NOONG PANAHON ng administrasyong Gloria Macapagal Arroyo, ipinatigil ang paggamit ng mga importer ng customs bonded warehouse dahil ito ay nagiging ugat ng kurapsyon at malaking pagkakalugi rin ng gobyerno sa buwis.
Pero bakit sa panahon ngayon ng administrasyong Noynoy Aquino na ang slogan ay “Daang Matuwid” at puspusan ang pag-ungkat sa mga katiwalian na kinasasangkutan ni GMA ay binuhay ang pinatay nang customs bonded warehouse?
ANG ISANG importer na nabigyan ng customs bonded warehouse ay pinapayagang hindi magbayad ng kahit singkong buwis sa lahat ng ipinararating niyang kargamento.
Ang kalakip na kundisyon dito ay dapat ang kanyang mga kargamento na maituturing na raw materials ay dapat kanyang ima-manufacture, at ang finished products nito ay kailangang i-export. Sa export nakababawi ang ating gobyerno.
Sa madaling salita, dapat siya ay isa ring manufacturer.
ANG SISTE, sa halip na idiretso sa bonded warehouse ang mga raw material para kalaunan ay ima-manufacture ay kanilang idina-divert sa ibang warehouse para ibenta sa local market for local consumption.
Sa pakikipagsabwatan sa mga tiwaling kawani ng BoC, palilitawin nilang ang mga finished product ng nasabing raw materials ay nai-export.
ANG JIT Trading, Integrated Logistics at Intas ay ang tatlong kumpanyang bukod tanging nabigyan ng customs bonded warehouse.
Ang JIT Trading at ang Integrated Logistics ay nabigyan ng customs bonded warehouse para sa resins. Ang resins ay isang raw material sa paggawa ng plastic. Samantalang ang Intas ay nabigyan ng customs bonded warehouse para naman sa asukal.
Ang tatlong nabanggit na kumpanya ay hindi nagbabayad ng kahit singkong buwis para sa mga raw material na kanilang ipinararating. Ang malaking tanong ngayon, nasaan ang manufacturing company ng tatlong ito?
At nasaan din ang mga genuine na dokumento nila na magpapatunay na pisikal na lumabas ng bansa ang mga finished product ng kanilang mga raw material?
ANG PINAPUPUTOK ngayon sa BoC ay kaibigan at supporter umano ng tatlo si Senator Chiz Escudero. Kasama rin sa pinapuputok na balita ay isang kapatid ni Tita Cory Aquino na auntie ni Pangulong Noynoy ay nagbigay ng basbas umano sa tatlo.
Isang congressman na dating opisyal sa BoC ang sinasabing naging tulay umano ng tatlo para sa dalawang nabanggit na personalidad. Isang nagngangalang JR Tolentino naman ang sinasabing troubleshooter umano ng tatlo.
Pero nang matawagan namin si Escudero kahapon, mariing itinanggi niya ang pagkakaroon ng koneksyon sa tatlong nabanggit na kumpanya. Nangako siyang paiimbestigahan ang mga ito at ipakukulong kung gumagawa ng katiwalian.
Isang source din sa Malacañang ang natawagan namin at mariing itinanggi ang pagkakasangkot ng kamag-anak ni P-Noy sa mga aktibidad ng tatlo.
GAYUNG ITINANGGI na ni Escudero at ng Malacañang ang pagkakakilala sa tatlong nabanggit na kumpanya, ang tanong ngayon kay BoC Commissioner Ruffy Biazon, bakit nabigyan ng customs bonded warehouse ang mga ito?
Kung si GMA na paulit-ulit at ayaw tantanan ni Pangulong Noynoy Aquino sa pag-usig dahil ito at ang kanyang nakaraang administrasyon raw ay mga kurakot, bakit pinapayagan ngayon sa administrasyong Aquino ang pamamayagpag ng mga customs bonded warehouse – na ayon kay GMA, ang taong binabansagan nilang kurap – na pinag-uugatan ng lantarang kurapsyon?
Kung ganoon, mas masahol pa pala kay Gloria ang diskarte nitong si Noynoy!? Anong Daang Matuwid? Kiss my a_ _ !
Ang inyong lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo