SADYANG MAHIRAP tanggapin ang nangyaring karahasan sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na PNP-SAF. Buong bansa ang nagluksa para rito. Ngunit, bukod sa trahedyang ito ay may isa pang trahedya ang nagbabadyang maganap. Ito ay ang trahedya ng K-12! Mula nang lagdaan ng Pangulo ang batas na nagtutulak ng K-12, lingid sa kaalaman ng marami, isang bangungot ang bumalot sa buhay ng maraming guro sa kolehiyo.
Hindi lang 44 na tao ang mamamatay kung ganap ng mangyari ang K-12. Ang mga pamilya ng mga gurong maaapektuhan ang direktang tatamaan ng trahedyang K-12. Mga asawa, magulang, at anak na maaaring matigil sa pag-aaral. Higit pa sa 44 ang biktima at tiyak na libu-libong tao ang apektado rito. Sa ngayon ay tinatayang humigit-kumulang sa apat na libong guro sa kolehiyo ang mawawalan ng trabaho sa 2016.
Sa darating na 2016 ay ang unang taon na walang mga first year students ang papasok sa kolehiyo dahil ang mga nasa fourth year high school ay tutuloy na sa grade 11. Ang susunod namang taon dito (2017), ay wala pa ring aakyat sa college level dahil ang mga nasa grade 11 sa taong 2016 ay tutuloy naman ng grade 12. Nangangahulugang may dalawang taon na kung saan ay 2 taon ang lilipas na walang estudyanteng mag-e-enroll sa mga unibersidad at kolehiyo. Kaakibat nito ay ang pangangailangan ng mga paaralan sa tertiary level na magtanggal ng kani-kanilang guro dahil sa wala pa silang tuturuan.
SA ILALIM ng programang K-12, ang mga mag-aaral na nasa ikalawang taon sa high school ay kailangang magtuloy sa grade 11 at 12 kaya mababakante ng 2 taon ang mga guro sa kolehiyo na nagtuturo ng mga General Education Courses. Sa madaling salita, mawawalan sila ng trabaho. Marami ang malalaking kolehiyo at pamantasan ang ngayon pa lang ay nagtanggalan na ng kani-kanilang mga guro para paghandaan ang pagkawala ng mga first year students sa 2016 at 2017.
Ang Miriam College at UST ang ilan sa mga malalaking pamantasan na napabalitang nagtanggalan na ng mga part-timer at maging mga permanent na faculty nila. Ang mga dating permanenteng faculty ay inimbitahan na lang mag-part timer sa kanilang paaralan. Tila hindi rin inaalintana ng ilang paaralan ang mga batas na sumasaklaw sa trabaho at karapatan ng mga manggagawa ayon sa ipinag-uutos ng Labor Code.
Ang puno’t dulo nito ay ang pagsasabatas ng K-12. Maaaring maganda ang intesyon ng K-12 sa mga mag-aaral ngunit tila hindi napag-aralan ang kaakibat nitong problemang dulot sa mga apektadong guro sa kolehiyo. Ang pagiging biktima ng mga gurong ito sa pagbabagong dulot ng K-12 ay maihahalintulad sa walang awang pagpatay sa mga tinaguriang “Fallen 44”, dahil walang awang pagtatanggalin din ang mga gurong humahawak ng mga G.E. Courses sa kolehiyo sa oras na pasimulan na ang grade 11 ng K-12. Kung sa ngayon pa lamang ay nagtatangalan na ang ilang mga pamantasan, lalo na itong titindi pa sa 2016.
ISIPIN NA lang natin na kung may 4,000 guro sa kolehiyo ang mawawalan ng trabaho sa 2016 at ipagpalagay na lang natin na may tig-5 miyembro ng pamilyang umaasa sa bawat isang guro ito, lumalabas na may 20,000 na taong apektado sa krisis na ito. Ang tanong ay handa ba tayo sa sakripisyong ito para sa K-12?
Mali kung iisipin na mayroong humigit-kumulang na 20,000 taong apektado sa krisis na ito para lang maisulong ang implementasyon ng K-12 sa 2016. Mali na ituloy ang K-12 sa 2016 dahil maraming tao ang magiging biktima nitong K-12. Dapat ay aralin muli ng mga mambabatas ang magiging epekto nito sa mga tao. Kung magkakataon ay lalong bababa ang ating ekonomiya kasabay ang kawalang katarungan para sa mga guro na mapatatalsik sa 2016.
Mainam na pigilin muna ang K-12 dahil maliwanag na hindi ito naplano ng mga mambabatas at ang mas malawak at epekto nito sa intrapersonal at interpersonal na pag-uugali. Idagdag pa natin ang tuluyang pag-alis ng mga G.E. courses sa kolehiyo. Mababawasan ang mga numero ng subject na kailangan ng admin at departmento para maisulong ang adhikain ng unibersidad.
UNTI-UNTING DUMARAMI sa ngayon ang biktima ng K-12 at umuunti ang mga guro na nagbibigay ng kanilang panahon at edukasyon sa kanilang mga mag-aaral. Malaki rin ang kinakaharap na problema sa pagsisimula ng Grade 11.
Gaya ng mga dating problema na natabunan lang ng mga isyu ng pangkalukuyang panahon, sana ay hindi malusaw ang alab ng pusong naghahanap ng kakampi sa isyu na ito. Sana nga ay hindi malimutan ito. Ito ang huling baraha ni PNoy sa pagsasaayos ng mga suliranin ng bansang ito.
Sa huli ay masasabi nating dapat nang kumilos ang Pangulo upang hindi maulit muli ang insidenteng ito. Kaya, Pangulong Aquino, dapat ay pigilan muna ang nagbabadyang problema ng K-12. Kung lalabas kayo sa Palasyo ay siguradong maiuugnay ninyo ang tunay na solusyon sa problema ng kahirapan at kawalang trabaho ng marami. Ang K-12 ay isang kabiguan na dapat nating tanggapin.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo