NAKAKALUNGKOT NAMAN SA balitang namatay na ang ama ni Iza Calzado na si Lito Calzado.
Close kami ni Lito dahil classmate kami nu’ng high school sa V. Mapa High School. Nairita pa nga sa akin ‘yan tuwing tinutukso ko siya nu’ng nililigawan pa n‘yan si Nova Villa na classmate din namin noon.
Matagal ding nakaratay sa hospital si Lito dahil sa sakit na cancer of the liver. Tahimik lang si Iza nu’ng may sakit pa si Lito at iniiwasan talaga niya itong pag-usapan.
In fairness kay Iza, talagang nagpakatatag siya para harapin ito dahil iisa lang naman ang kapatid niya na katulong niya sa pag-aalaga sa kanilang ama.
Kaya hanggang sa burol ni Lito, personal ding inasikaso ni Iza. Napaghandaan naman daw nila itong pagpanaw nang kanilang ama, pero masakit pa rin daw sa kanila kahit sinasabi pa nga ni Iza na ang dami na nilang patay na napagdaanan. Pero iba raw talaga itong sa kanilang ama.
Alam ko nga-yon Lunes ang li-bing ni Lito.
HAY, NAKU! AYOKO nang magsalita tungkol sa pinag-uusapan pa ring isyu nang pagpatay kay Ramgen Revilla.
Magmula nang magsalita si Genelyn Magsaysay ng kung anu-ano laban kay Sen. Bong Revilla, siyempre hindi naman puwedeng manahimik na lang ako, ‘day!
Ayaw na kasing patulan ito ni Bong at baka maligaw pa ang isyu. Dahil ang dapat malaman, kung sino talaga ang pumatay kay Ramgen.
Itong si Genelyn, kung anu-ano’ng mga sinabi laban kay Bong na ginagamit lang daw ang isyu para sa pamumulitika ng alaga ko.
Eversince, walang ginamit si Bong para mapag-usapan lang at gamitin sa pulitika. Hindi na niya kailangan, lalo na itong isyung ito na hindi naman nakakatulong sa kanya at sa buong pamilya.
Ayaw na ngang sagutin pa ni Bong, dahil hindi talaga kapatul-patol. Ako naman ang kinukulit na sagutin at hindi naman puwedeng manahimik ako, ‘day!
Ako na ang magtatanggol kay Bong, at unfair naman ang mga pinagsasabi nitong Genelyn laban sa kanya. May nagsabi pang sinabi raw nitong Genelyn na marami pa raw siyang pasasabugin tungkol kay Bong.
Naku, ‘day! Huwag na siyang manakot! Gawin na niya ngayon! Lagi naman niyang sinasabi iyan. Tuwing eleksyon kung anu-anong pananakot ang ginagawa niya kay Bong at sa mga kapatid, wala namang nangyari.
Sino pa ang maniniwala sa kanya ngayon?
Sa halip na siraan si Bong, tumulong na siya na malutas itong kaso ng pagpatay sa anak. Pabalikin niya rito si Ramona para malinawan ang lahat. ‘Di ba sinasabi niyang si Ramona ang nakaalam lahat, kaya pabalikin na niya rito at makipagtulungan na malaman kung sino na talaga ang pumatay.
Halos lahat ay nag-interview na yata sa akin. Siguro tama na ‘yun, ‘day! Nasabi ko na ang lahat, ayoko na talaga magsalita at baka pagdudahan pa ako ni Genelyn na balak kong agawin sa kanya si Mang Ramon!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis