USAP-USAPAN NGAYON sa mga social network ang lumalabas na isang “conspiracy theory” na dahilan umano ng malalakas na bagyong dumarating ngayon, gaya ng bagyong Yolanda, ay epekto ng makabagong teknolohiya. Mayroon daw isang eksperimento ang mga siyentipiko na nakaaapekto sa ating klima at panahon. Ang misyon ng eksperimento ay para masukat ng tao ang kakayahan nitong kontrolin ang kalikasan at ang natural na batas ng mundo.
Hindi nga yata malayong maging makatotohanan ang ganitong “conspiracy theory”. Ito ay dahil sa malayo na ang narating ng agham at teknolohiya sa panahon ngayon. Ang kadalasang eksperimento ay nagreresulta sa pagbabago ng anyong natural ng isang bagay o nilalang sa mundo. Ilan sa mga ito ay ang mga produktong GMO (Genetically Modified Organisms), stemcell medicine at genome project.
Halimbawa, dahil sa pagnanais ng tao na mapabuti ang kalagayan ng mundo ay pinag-aaralan nito ang mga batas ng kalikasan. Noong 1995 ay naisakatuparan ng tao na gumawa ng isang buhay o “life” sa sarili nitong paraan sa loob ng isang science laboratory. Sa pamamagitan ng tinatawag na “asexual cloning” nabuo at nabuhay si “Dolly” (isang sheep o tupa) ng walang tatay. Ibig sabihin ay walang biological parent ang tupa na ito. Si Dolly ay isa lamang clone ng pinagkuhanan ng “single somatic cell” or “cell nucleus” na inilagay sa sinapupunan ng isang haliling ina. Sa makatuwid ay may kakayahan nga ang tao na paglaruan ang kanyang kalikasan.
MAYROONG ISANG dokomentaryo na ang pamagat ay “An Inconvenient Truth”. Tinatalakay rito ang pagkasira ng ozone layer ng atmosphere ng mundo bilang pinag-ugatang dahilan ng mas malaking problemang hinaharap natin ngayon na “Climate Change”. Ang climate change din ang itinuturing na dahilan sa dokumentaryo kung bakit lubhang napakalakas ng mga bagyong dumating mula pa noong taong 2002. Sa pagtataya ng mga eksperto ay taun-taon, mas palakas nang palakas ang mga bagyo.
Sa usaping ito ay walang kinalaman ang ano mang uring “conspiracy theory”. Sinasabi lang dito kung ano ang kasalukuyang lagay ng mundo at ano ang hinaharap nito. Sinabi rin dito na sa loob ng 30-50 taon ay may malaking pagbabagong magaganap sa buong mundo. Ang mga pagbabago at mga epekto ng pagbabagong ito sa mundo ay ang tinutukoy ng pamagat na “an inconvenient truth”.
Bukod sa paglala at paglakas ng mga bagyo ay marami pang epekto ang “global warming”. Ang pinakagrabe ay ang tuluyang pagtaas ng level ng dagat sa lupa. Araw-araw ay mabilis na natutunaw ang mga bulubunduking yelo sa Antartika. Humahalo ito sa tubig dagat kaya tumataas ang level nito. Ang sukdulang epekto nito ay ang paglubog ng malaking bahagi ng lupa sa ilalim ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng kontinente sa mundo.
Sa kasamaang palad ay pinakamalulubog ang Southeast Asian part ng kontinenteng Asia kung saan bahagi ang Pilipinas.
SIMPLE LANG ang lohika kung bakit ang “Global Warming” ang punong dahilan ng paglakas ng mga bagyo ngayon. Kung nagpapakulo ka ng tubig, mapapansin mong naglalabas ito ng pressure sa pamamagitan ng mainit na usok. “Pagkulo” ng tubig ang simpleng obserbasyon dito. Ganito ang epekto ng “Global Warming” sa mundo. Umiinit ang tubig sa dagat at ang pressure na nanggagaling dito ang siyang lilikha ng (Low Pressure Area) LPA at kalaunan ay magiging bagyo. Ang ibig sabihin ay habang lumalala ang global warming, mas maraming hot air-pressure itong nililikha, na ang epekto ay ang mas malalakas na bagyo.
Hindi pa nagagawan ng solusyon ang problema ng tao sa global warming kaya’t asahan nating marami pang mas matitinding bagyo kaysa kay Yolanda na darating. Ito ang masakit na katotohanan!
Shooting Range
Raffy Tulfo