MARAHIL AY natatandaan n’yo pa ang pagkakatanggal sa isang graduating na kadete sa Philippine Military Academy (PMA). Pinagbintangan siyang nagsinungaling sa kanyang guro kaya hinatulan siya ng komite na inatasan ng pamunuan ng PMA at pinatalsik sa eskuwelahang ito. Naging kontrobersyal ang isyu na ito dahil sa maraming nagsasabing sobra ang parusa ng pamunuan ng PMA para sa kadete. Tila ba nawalan ng konsiderasyon ang PMA sa kabila ng mga isyu ng pulitika at kawalang hustisya sa konteksto na kinapalolooban ng akusasyon sa mag-aaral.
Nitong kasalukuyang taon ay naging viral din sa isang social network ang video ng isang babaeng batang mag-aaral na tumuligsa sa kanyang paaralan habang binabasa niya ang kanyang speech bilang salututorian. Nagtapos bilang salutatorian ang mag-aaral ngunit sa kanyang talumpati ay sinabi niyang hindi naging patas ang paaralan sa pagpili ng valedictorian. Isiniwalat niya ang mga puntos ng katiwalian sa paraan at proseso ng paaralan sa pamimili ng mga bibigyang parangal.
Pinatigil ng isang guro ang mag-aaral na ito habang binabasa niya ang kanyang talumpati. Dahil dito ay hindi binigyan ng recommendation for good moral character ang mag-aaral na naging problema ng bata sa kanyang pagpasok sa University of Sto. Tomas. Nakarating ang kaso sa Court of Appeals at kamailan lamang ay kinatigan ng korte ang bata at ipinag-utos sa eskuwelahan na bigyan na siya ng recommendation for good moral character.
ANG ESKUWELAHAN ang institusyon na nagbibigay ng karunungan sa ating lahat. Dito nahahasa ang talino at pagkatao ng bawat nilalang. Dito natin natututunan ang pagpapakatao, pagpapakabuti, at pagpapakatama. Kaya naman hindi matatawaran ang mga aral na nakukuha natin sa ating eskuwelahan. Ngunit may mga paaralan din na nag-iiwan ng masamang aral sa ilang mag-aaral dahil sa kabulukan ng sistema nito at pagkakalagay sa mga maling tao para magpalakad ng paaralan.
Ganito mismo ang maaaring dahilan para sapitin ng dalawang mag-aaral. na aking tinukoy sa itaas, ang kanilang masamang kapalaran mula sa kani-kanilang eskuwelahan. Sa pagbubukas muli ng mga malalaking unibersidad at kolehiyo ngayong buwan Agosto ay sari-saring probelema na agad ang tumambad sa ating mga mag-aaral.
Una na sa listahan ang pagkadismaya ng Court of Appeals sa pagmamatigas ng pamunuan ng paaralang nireklamo ng babaeng estudyante dahil sa patuloy na pagkakait nilang bigyan ng certificate of good moral character ang pobreng mag-aaral. Binalaan ng korte na sasampahan sila ng contempt dahil sa pagsuway nila sa utos ng husgado.
ANG UNIVERSITY of the Philippines (UP) ang itinuturing na Premier University ng ating Saligang Batas mula nang naipasa ang UP Charter Law. Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pagwewelga ng mga mag-aaral dito dahil sa maling pamamalakad ng pamunuan nito.
Maraming mga mag-aaral sa UP ang nakaranas din ng kalupitan at kawalang konsidersyon ng maraming guro at administrador ng paaralan. Marahil ay ito rin ang nagtulak para sa ilang mag-aaral na mahina ang loob na magpatiwakal.
Kung matatandaan ninyo ay mayroong isang babaeng UP student na nagpakamatay dahil pinagkaitan siya ng UP Manila na makapag-enroll dahil sa kakapusan sa perang pambayad sa matrikula. Sa UP Diliman naman ay marami na rin akong narinig na kuwento ng pagpapakamatay ng mga mag-aaral nito dahil sa kawalang konsiderasyon at pagmamalupit ng mga administrador at propesor sa paaralang ito. Bakit nga ba nangyayari ito sa ating mga eskuwelahan?
Nitong mga nakaraang araw ay naging isyu ang kakulangan ng UP sa mga dormitoryo para sa mga mag-aaral na malayo ang pinagmulan. Nagresulta ito sa pagpo-protesta ng mga mag-aaral ng UP sa pamamagitan ng pagtulog sa labas ng Kalayaan Residence Hall sa UP. Ang Kalayaan Residence Hall ang dormitoryong nakalaan para sa mga bagong pasok na freshman student sa UP Diliman.
SINABI NG Chancellor ng UP Diliman na si Dr. Tan na lumaki ang bilang ng mga bagong estudyante sa UP. Kaya naman apektado rin ang pagdami ng mga nangangailangan ng matutuluyang dormitoryo. Napakasimple naman ng problemang ito, pero tila nahihirapan ang UP para solusyunan ito.
Minsan ay hindi naman talaga mahirap gawin ang solusyon, bagkus ay nagkukulang lang talaga sa konsiderasyon ang mga namumuno sa paaralan. Kung ito ang nangyayari ay maliwanag na ang problema ay nasa mga taong namumuno sa paaralan.
Ito rin naman talaga ang naging problema ng batang babaeng pinagkaitan ng certificate of good moral character kaya nahihirapan ito makapasok sa UST. Ang mga administrador na ng paaralan ang may problema sa kanilang pagkatao kaya dapat lang na kasuhan ng contempt ng Court of Appeals ang pamunuan nito.
Halos ganito rin ang naging problema ng pinatalsik na kadete sa PMA kaya nahihirapan din siyang makapasok sa UP College of Law. Ang mga tao sa likod ng pamunuang nagmalupit sa kanya ay dapat ding papanagutin ng batas. Ang mga masasamang aral na ito mula sa institusyong ating inaasahan na magpapabuti sa ating buhay at pagkatao ay dapat wakasan na. Kailan kaya matitigil ang masamang aral na ganito sa eskuwela?
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo