LAGI NATING iisipin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari tayong magbiro sa kahit sinong tao at kahit saang lugar. Dapat din nating siguraduhing hindi tayo nakaaapak ng pagkatao at nakasasakit ng damdamin. Hindi na bago ang isyu ng pambabastos ng mga komedyante gamit ang kanilang talento sa pagpapatawa. Ang nakasasama ng loob ay tila hindi sila natututo rito.
Sa artikulong ito ay nais kong talakayin ang isang bulok na kultura ng pagpapatawa na karaniwan nang nagaganap sa mga comedy bar, pangtanghaling variety show, comedy concerts at kadalasan ay sa mga programang kapistahan sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.
Naniniwala akong malalim ang pinag-uugatan nito. Pipilitin kong himayin at gumawa ng isang dekonstraktibong pagsisiyasat sa kultura ng pagpapatawa gamit ang pang-iinsulto at panglilibak sa kapwa. Sa huli ay magbabalangkas ako ng mga pamantayang gagabay sa atin sa kung paano tayo dapat makipag-usap at magbiro nang hindi nakasasakit ng damdamin ng kapwa.
NITONG MGA nakaraang araw lang ay hindi naging maganda ang dating ng ginawang pagpapatawa ni Ramon Bautista sa mga Dabawenyo sa pagtawag ng “hipon” sa kababaihan dito. Hindi ito naibigan ng mga tao, lalo na ang mga namumuno sa lokal na pamahalaan ng Davao. Pangunahing nadismaya ang sikat na politiko sa pagiging matigas at matapang na si Mayor Rodrigo Duterte.
Isa ngang malaking pambabastos at kawalang-respeto sa kababaihan sa Davao ang ginawang pagtawag ni Ramon Bautista ng hipon sa kanila. Ang katawagang hipon kasi kapag ginamit sa isang babae ay nangangahulugang sexy o maganda ang katawan nito ngunit may kapangitan ang mukha. Nakaiinsulto ito ng pagkatao.
Ang pagtawag sa isang babae ng “hipon” ay hindi nalalayo sa mga katawagang ginagamit sa tao upang manlibak o mangutya gaya ng pagtawag sa isang tao na “mukhang kuto” kung nais mong libakin ito sa pagiging maliit sa pisikal na anyo. “Ngiting aso” naman ang pabirong panglilibak sa mga nakadududang pagngiti. “Kabayo” ang panglilibak na bansag sa artistang si Vice Ganda at “Neggy” na pinaikling negra o maitim na kulay ng tao, ang panglilibak na tawag sa side-kick ni Vice Ganda sa kanyang comedy talk show.
ANO BA ang tumatakbo sa isip ng mga komedyanteng ito kapag ginagamit nila ang pang-iinsulto para magpatawa? Ano ba ang intensyon ni Ramon Bautista sa pagtawag ng “hipon” sa mga Dabawenya? May isang prinsipyo sa diskursong sikolohiya na nagsasabing “jokes are half meant”. Kadalasan ay may bahid ng katotohanan ang isang pagpapatawa sa pamamagitan ng panglilibak na katawagan.
Ayon sa mga eksperto sa diskursong sikolohiya, isa itong paraan ng pagsasabi ng negatibong obserbasyon. Para hindi sadyang nakasasakit ng damdamin ay dinadaan ito sa isang katatawanan. Maaaring dito nga nauugat ang bulok na kulturang pagpapatawang may ganitong istilo. Ngunit bakit kailangang gamitin ito para lamang magpatawa?
Nangangahulugan ba na para sumaya at mapatawa ang maraming tao, mananakit at mang-iinsulto ang mga katulad ni Ramon Bautista ng kababaihan? Hindi ba isa itong kapalaluan at kawalang-hustisya sa pagkakapantay-pantay ng mga tao? Hindi ba ang pang-iinsulto mismo ay kawalan ng pagrespeto sa kapwa mo tao.
HINDI YATA natuto itong si Ramon Bautista sa karanasan ni Vice Ganda. Hindi ba nagkaroon din ng isyu ng panglilibak at brutal na pambabastos itong komedyanteng si Vice sa kagalang-galang na news personality na si Ms. Jessica Soho? Mga mapanglait na katawagan ang ginamit ng komedyante para libakin si Ms. Soho dahil sa kanyang pangangatawan.
Hindi ba ito isang kalapastanganan at hindi dapat pinalalampas ng ating lipunan? Humingi rin naman ng kapatawaran si Vice Ganda nang maraming ulit, at paminsang naging emosyonal din dahil sa pag-amin sa nagawa nitong mali. Hindi gaya nitong si Ramon Bautista na humingi man ng dispensa ay tila wala naman sa kanyang loob. Parang hindi siya sinsero sa paghingi ng paumanhin at tila nagtatawa lang sa kanyang isip.
Ang gusto kong puntuhin ay hindi natin dapat palampasin ang ginawang ito ni Ramon Bautista dahil tila hindi natututo ang mga komedyanteng ito sa katotohanan na mali ang bulok na kultura ng pagpapatawa gamit ang panglilibak at pang-iinsulto.
DAPAT AY may kaparusahan ang ganitong gawain upang matuto ng leksyon ang mga komedyanteng ganito at hindi na pamarisan. Kung patuloy nating tatanggapin ang mga hilaw na paghingi nila ng dispensa ay parang niloloko lang natin ang ating mga sarili. Tila pinagbibigyan at kinukunsinti natin ang ganitong kultura ng pagpapatawa kung hindi natin ito pahihintuin sa pamamagitan ng pagpaparusa at pagkondena rito.
Ang pang-iinsulto sa kapwa upang maging sanhi ng katatawanan ay walang puwang sa isang makatao at maunlad na lipunan. Hindi natin dapat hayaang magpatuloy ito sa mga comedy bar, mga variety show sa tanghali, comedy concerts at mga programa sa kapistahan. Hindi natin dapat tangkilikin ang mga taong gaya nito na nang-iinsulto ng kapwa at gumagamit ng kababaihan bilang simbulo at materyal ng katatawanan. Dapat ay mabigyang-leksyon ang mga ganitong hindi marunong magbigay-respeto sa kapwa tao, lalo na sa kababaihan.
Mr. Ramon Bautista, bago ka manlibak ng kapwa mo at tawaging “hipon” ang mga Dabawenya kahit pa biro ito ay sana nanalamin ka muna upang malaman mo kung may karapatan kang humusga ng itsura ng ibang tao. Babae rin ang nanay mo at hindi mo gusto tiyak na tawagin siyang isang “hipon!”
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo