NOONG NAKARAANG Martes ng gabi, pinanood ko ang Reporter’s Notebook sa GMA-7. Matapos kong mapanood ang nasabing show, halos atakihin ako ng high blood at madaling-araw na akong nakatulog sa pagmamaktol sa galit dahil hindi ko sukat akalain na kaya pala maraming mga pasahero ang namamatay sa tuwing may lumulubog na barko dahil saksakan ng pagkaistupido at inutil ng ating mga kinauukulan partikular na ang Maritime Industry Authority (MARINA).
Ang segment ni Maki Pulido sa nasabing documentary show na tungkol sa Roll-On/Roll-Off (RORO) ang labis na nakakuha ng aking atensyon. Sumampa si Maki sa isa sa mga RORO na bumibiyahe patungong Mindoro kasama ang kanyang crew para idokumento ang estado ng ating mga RORO at ang kalagayan ng mga pasahero na sumasakay rito.
Ang unang kapansin-pansin na kapalpakan ng nasabing RORO ay ang pagkakapuwesto ng mga life vest na itinambak sa makitid na aparador sa isang sulok. Kapag malulunod ang barkong ito, hindi pa man ito lumubog, may mga mamamatay ng pasahero dahil sa stampede. Ang lahat ay mag-uunahan patungo ng nasabing aparador para makipag-agawan sa life vest.
Sa isang parte ng barko, may mga life vest nga na nakapuwesto nang tama – sa ulunan ng inuupuan ng pasahero, pero sira-sira naman ang mga ito.
Ang mga life boat naman sa sun deck, bukod sa obsolete na’t ipinagbabawal nang gamitin, ito ay kinakalawang at sira-sira. Ang mga fire hydrant at fire extinguisher ay mga kinakalawang na rin at ‘di na puwedeng mapakinabangan.
Pagdating naman sa pinaglalagyan ng mga sasakyan, isang SUV ang makikitang hindi nakatali at hindi naka-secure. Kapag malakas ang alon, ang sasakyang ito ay gugulong at mawawala sa balanse ang barko na siyang ikalulubog nito.
NANG KAPANAYAMIN ni Maki ang administrator ng MARINA na si Maximo Mejia Jr. para kumprontahin hinggil sa mga nadiskubre ng Reporter’s Notebook tungkol sa kalunus-lunos na kalagayan ng nasabing RORO, halos mautal-utal si Mejia at paltus-paltos ang kanyang mga sagot.
Agad niyang inamin na hindi nga maganda ang mga nadiskubre ni Maki – kulang na lang na sabihin niyang hindi dapat ipinabibiyahe ang mga RORO hangga’t hindi ito iniinspeksyon.
Magpasalamat si Mejia dahil si Maki ay isang mabait at magalang na interviewer. Kung ako ang nag-interview sa Mejiang ito, nakasisiguro siyang tatadtarin ko siya ng mga pang-iinsulto at mga panlalait tungkol sa kanyang kapabayaan at ng kanyang mga alipores na wala marahil ginawa kundi ang mangulangot sa maghapon at magdamag.
Kung may kawani lang sana ng MARINA na nag-inspeksyon sa RORO na sinakyan ni Maki bago ito bumiyahe – na ito naman talagang patakaran, at ang taong nag-inspeksyon ay alam niya ang kanyang tungkulin, hindi na pinayagang bumiyahe ang nasabing barko hangga’t hindi naaayos ang mga problema rito.
Isipin na lang na ilan ang mga RORO natin na bumibiyahe araw-araw na kapareho ang estado sa RORO na nasakyan ni Maki.
Hindi ako maniniwala na walang nag-inspeksyon sa RORO na ito. Meron sa meron, ‘ika nga, ang tanong lang ay magkano ang tinapal na salapi sa hudas na nag-inspeksyon kapalit ng kaligtasan ng mga pasahero?
At siyempre ang hudas na ito ay “mag-iintrega” rin sa kanyang mga demonyong amo.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00–4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM. Ang WSR ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo