NABASA KO po sa inyong kolum ang tungkol sa mga problemang kakaharapin ng mga OFW ngayong 2012. Gusto ko lang idagdag ang ilang bagay pa. Una, problema rin ang pagtataas ng singil sa premium ng Philhealh sa mga OFW. Nagulat kami rito dahil bigla na lang itong bumaba nang hindi nagkaroon ng malawak na konsultasyon. Pangalawa, sa panahong nandito ako sa ‘Pinas mula nang bumalik ako mula sa abroad, marami na akong inaplayan na mapagkukunan ng pondo para makadagdag sa aming gastusin pero wala ring nangyari. Noong isang taon pa ako nag-apply para sa pre-departure loan, scholarship, at livelihood loan mula sa pamahalaan pero ni isang kusing ay walang na-release. Sayang lang ang oras at perang nai-invest ko sa paglakad-lakad ng mga ito. Puwede n’yo po bang ipaabot ang mga bagay na ito sa POEA, OWWA at DFA? — Ruby ng Pandacan, Manila
TUNGKOL SA unang isyu tungkol sa dagdag-singil ng Philhealth, marami na rin kaming natatanggap na reklamo tungkol dito. Panahon na marahil na isuspinde muna ng dalawa o tatlong buwan ang implementasyon nito para magkaroon muna ng review at consultation tungkol rito. Hindi naman siguro ito mahirap gawin para sa kapakanan ng mga OFW.
Hinggil sa mga programa ng pamahalaan para sa mga proyekto at gastusin ng OFW, totoong nand’yan na ang ilang palatuntunan para sa pre-departure loan, scholarship at livelihood. At may ilan na ring naka-avail nito. Ngunit mas marami ang nainip at napagod na pero hindi pa rin nabiyayaan ng mga magagandang assistance na ito ng gobyerno.
Marahil ay dapat pag-isipan ng gobyerno kung paano pa magagawang simple ang mga requirement at procedure sa pagpoproseso ng mga programang ito. Maaaring alisin na ang ilang requirement na may kinalaman sa mga papeles o kaya’y mabawasan na ang ilang steps sa pagpoproseso ng mga ito.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo