Dear Atty.,
GUSTO KO pong humingi ng legal advice mula sa inyo. Ako po at ang asawa ko ay tuluyang naghiwalay noong 2002 dahil sa maraming kadahilanan na
hindi namin mapagkasunduan. Gusto ko na po sanang gawing legal ang hiwalayan namin, ngunit wala po akong pera na pambayad sa annulment. Ako po ay isang driver lang at napakaliit ng kinikita ko at pinagkakasya lang ang kinikita sa pang-araw-araw na gastusin. Sa ngayon po ay may minamahal na ako at gusto ko siyang pakasalan at makasama sa buhay. At hindi ko na rin po alam kung nasaan ang aking asawa ngayon. May mga kaibigan po ako na nagsabi na ang alam nila, kapag ang mag-asawa ay matagal nang hiwalay, maaari nang magpakasal nang muli ang mga ito. Tama po ba ang sinabi nilang iyon sa akin? Maraming salamat po. God bless you.
Joel
Dear Joel,
NAIINTINDIHAN NAMIN ang sitwasyon na kinalalagyan mo ngayon kung saan gustung-gusto mo nang pakasalan ang taong mahal mo subalit hindi mo magawa sapagkat may una ka pang kasal datapwa’t matagal na kayong hiwalay. Ikinalulungkot naming ipabatid sa iyo na hindi mo pa nga siya maaaring pakasalan sa ngayon sapagkat mahigpit na ipinagbabawal ng ating batas ang pagpapakasal muli ng isang taong kasal pa sa iba. Dagdag pa rito, nais naming ipabatid sa iyo na hindi naaayon sa batas ang nabanggit sa iyo ng iyong mga kaibigan na puwede nang magpa-kasal muli ang isang taong matagal nang hiwalay sa kanyang asawa.
Ang kinakailangan mong gawin ay ang mapawalang-bisa muna ang nauna mong kasal. Ayon sa Artikulo 40 ng Family Code, ang isang taong nagnanais magpakasal muli sa iba ay kinakailangang kumuha muna ng pahintulot sa hukuman sa pamamagitan ng pagsampa ng petisyon na nagpapawalang-bisa sa kanyang naunang kasal at pagdeklara ng hukuman na walang-bisa ang nasabing kasal. Subalit dapat mong tandaan na ang pagpapawalang-bisa ng iyong naunang kasal ay hindi dahil sa kagustuhan mo lamang. Dapat malinaw na ang dahilan mo at ito ay naaayon sa mga legal na dahilan na nakasaad sa Artikulo 35, 36, 37 at 38 ng Family Code.
Sa iyong sitwasyon, ang posibleng legal na paraan lamang upang mapawalang-bisa ang iyong kasal ay ang paghain ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage on the ground of Psychological Incapacity alinsunod sa Article 36 ng Family Code. Maaari mong isampa ito sa hukuman sa lugar kung saan ikaw ay naninirahan. Kailangan mong patunayan sa hukuman na ang iyong asawa ay psychologically incapacitated o may personality disorder kaya hindi niya magampanan ang kanyang tungkulin bilang isang mabuting asawa sa iyo at ito ang dahilan kung bakit kayo ay hiwalay na ng siyam (9) na taon. Kung sakaling mapatunayan mo ito sa hukuman at pagbibigyan ang iyong kahilingan na mapawalang-bisa ang iyong unang kasal, maaari mo nang pakasalan ang bago mong minamahal.
Sa paghain ng nabanggit na petisyon sa hukuman, kinakailangan mo ng abogado. Kung ikaw ay walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang sumadya sa District Office ng aming Tanggapan, Public Attorney’s Office, na kalimitang matatagpuan sa Municipal or City Hall o sa Hall of Justice sa inyong lugar.
Nawa’y natugunan namin ang iyong katanu-ngan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta