KAHAPON, AUGUST 29 ay balik-trabaho na ulit si Cristine Reyes, kung saan nag-pictorial siya para sa pelikula along with her co-stars, Anne Curtis at Derek Ramsay. Halos magda-dalawang linggo rin na na-confine sa ospital dahil sa taas ng lagnat at sobrang pananakit ng ulo, kasabay rin nito ang paglabas ng balita na mawawala raw sa ere ang Reputasyon dahil nga sa pagkakasakit ng aktres na siyang bida sa istorya bilang si Agnes delos Santos.
Nang kumustahin namin ang tungkol sa kanyang kalagayan sa ngayon, siniguro naman sa amin ni Cristine na maayos na ang pakiramdam niya at ang pagbagsak talaga ng kanyang immune system dahil sa sobrang trabaho at pagpupuyat ang dahilan kung bakit siya nagkasakit. Humingi rin ng dispensa si Cristine sa mga ‘di nakadalaw sa kanya dahil pinagbawal talaga ng doktor na tumanggap siya ng bisita.
Minsan kasing gumanda ang pakiramdam ay tumanggap ng mga bisita ang aktres, pero kinabukasan ay tumaas uli ang kanyang lagnat, dito ay pinagbawal na ng doktor na tumanggap siya uli ng bisita dahil baka may dalang virus ang mga dadalaw sa kanya at imbes na gumaling ay magpabalik-balik lang ang kanyang sakit.
Kamakailan ay nasulat din na may tinarayang reporters si Cristine nang tanungin ito kung magiging tulay ba siya para maayos ang gusot sa pagitan ng kasamahan sa Reputasyon at kaibigan na si Aiko Melendez at ang kapatid na si Ara Mina. Ipinaliwanag naman sa amin ng young actress na ang simtomas ng ayaw sa liwanag at sa ingay ang mga dahilan kung bakit madali siyang mairita at mainis na maaaring ikasama ng loob ng ibang tao sa kanya. Mataas din ang dosage ng antibiotics na iniinom sa ngayon ni Cristine, kung saan minsan ay nahihilo siya ‘pag iniinom niya ito. Sa shooting nga ng No Other Woman sa Mercato Market, kinakailangang u-mupo muna siya at magpahinga dahil sa init at ininom na gamot.
Bawal magpuyat at magpagod ang payo ng doktor kay Cristine pero hindi alam ng aktres kung paano gagawin ito dahil lagare siya sa shooting ng No Other Woman na ang target date ay on Sept. 28 at puro eksena niya ang kailangang kunan dahil nga nawala siya. Magbabalik-taping na rin siya Reputasyon next week, kung saan pinalabas na lang sa istorya na dinukot ang karakter niya. Patunay lang ito na ito na tuluy-tuloy ang Reputasyon taliwas sa mga lumabas na balita na titigbakin na raw ito sa ere.
Sobra rin ang pasasalamat ni Cristine sa pagbabantay at pag-aalaga na ginawa sa kanya ng boyfriend na si Rayver Cruz na laging nasa ospital kapag bakante ito at walang ginagawa. Aminado ang aktres na masasabi niyang suwerte siya sa pagkakaroon ng boyfriend na katulad ni Rayver na ‘di siya pinababayaan na nandiyan lagi para sa kanya ‘pag kailangan niya.
SA BALITANG LUMABAS na si Sarah Geronimo raw ang gagawa ng remake ng Rosenda na isa sa pinasikat na istorya sa Komiks ni Direk Carlo J. Caparas, flattered ang Pop Princess, pero nandu’n pa rin ang pagdadalawang-isip nito dahil nakarating sa kanya na may pagka-daring ang orihinal nitong istorya. Kilala sa wholesome image at mukhang wala pa sa plano ni Sarah na iwanan ang ganitong klase ng imahe kung saan halos karamihan na ng mga young actresses ngayon ay bukas nang gumanap ng mga daring and matured roles. Sa tinatakbo ng career ng Pop Princess mukhang kuntento na ito sa kung ano ang mga ginagawa niya sa kasalukuyan.
Nang hingan namin ng reaksiyon tungkol sa lumabas na balita na hindi raw pumayag si Angeline Quinto na ‘di maging pantay ang pictures nila sa billboards ng Belo kung kaya’t pinaghiwalay na lang silang dalawa, ayon kay Sarah ay ‘di na lang siya nagbabasa ng mga balita lalo’t kung ang motibo lang naman ay patuloy silang pag-awayin ng Star Power grand champion.
Napansin lang namin na kung handa nang makasama sa production numbers ng ASAP Rocks si Rayver, mukhang hindi pa talaga handa si Sarah na makipagkaibigan sa ex-boyfriend. Isa kami sa nakasaksi kung paano yumuko at umiwas ng tingin ang Pop Princess nang magkasalubong sila sa hallway ng ABS ni Rayver. Naiintindihan naman namin si Sarah dahil maaring naka-move on na ito sa nangyari, pero maaaring kailangan pa niya ng sapat na panahon para matutuhang harapin ang ganitong klase ng mga sitwasyon.