OLA CHIKKA now na! Oh, no… oh, yes… now na! Don’t make your Monday a blue Monday. More chikka, more fun na naman tayo.
Medyo kumambiyo naman tayo sa mga sinusulat ko, kasi bugbog na halos ang mga maledukadong fans. Dito naman tayo sa positive side. Tinanggap na nang buong-buo nina Susan Roces at Grace Poe-Llamanzares ang National Artist award ni Fernando Poe, Jr. Kaloka, as in, dahil ga-ling na raw sa marangal na tao hindi tulad ni GMA. Bakit?
At last, wala na ngang alinlangang tinanggap nang personal ng Total Movie Queen Susan Roces at anak na si Grace ang National Artist medallion at citation para sa natatanging yumaong FPJ, ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino noong August 16 sa Malacañang Palace. Ibinigay ito mismo ni Pangulong Noynoy Aquino.
Dapat ay noon pang 2006 ibinigay ni President Gloria Macapagal Arroyo ang nasabing award. Kaya lang, ayaw tanggpin ng pamilya ni Da King ang award sa dahilang nakatunggali nito si GMA, at pinaniniwalaang dinaya siya nito. Prinsipyo na lang ang pinairal ni Inday Susan na maghintay na lang ng tamang panahon.
“Naniniwala kasi kami na ang ganitong karangalan ay dapat na ibigay ng isang taong marangal,” sabi ni MTRCB Chair Grace Poe Llamanzares sa kanyang mga panayam.
Lubos ang pasasalamat ng mag-inang Susan at Grace kay P-Noy at sa lahat ng mga kasapi na Nationalt Artist award committee sa pagdedeklara kay Da King bilang isang pambansang alagad ng sining sa pelikula. Lubos daw ang nararamdaman nilang kaligayahan sa kahalagahan ng parangal, kahit pisikal na medalya na lamang ang hawak nila, dahil mananatili naman ang legacy ni FPJ nang walang katapusan.
SPEAKING OF Inday Susan Roces, siya ang una kong inidolo noong dekada ’60, na halos hindi na ako pumapasok sa klase ko, makanood lang ng shooting ng pelikula ni Susan.
Kaloka, as in, kahit ngayon ay namamayagpag pa rin sa TV sa kanilang primetime serye na Walang Hanggan. Ang tawag nga sa kanya ay Lola Henya.
Galing nga sila sa aking tinubuang Bicol, kung saan doon sila nag-taping. Kinunan ang mga tourist spot tulad ng Mayon Volcano, Cagsawa Church Ruins at ang napakagandang Misibis Bay. At hindi raw malilimutan ni Susan ang magagandang tanawin at kagandahan ng lugar sa Bicol – sa Albay at sa Legaspi. Hindi raw siya nagsasawa at gusto pa niyang bumalik kahit wala na siyang taping para ma-enjoy raw niya nang lubusan ang kagandahan ng Bicol sa summer daw. Kasi nga naman, nag-uuulan daw nang pumunta sila roon. Para raw ma-feel niya nang lubusan ang kagandahan ng Bicol.
Sa totoo lang, kung pag-uukulan ng pansin ng ating Tourism ang kagandahan ng Bicol, hindi lang ang Mayon Volcano at Cagsawa Church Ruins ang makikita mong magagandang tanawin. Kahit sa amin sa Sorsogon, napakaraming magagandang tourist spots na hindi pa natutuklasan. Mayroon din kaming Little Boracay sa Prieto Diaz, ang Butanding sa Donsol.
At pagdating naman sa delicacy, sa Bicol lang ang tanging may pili nuts na talagang alam mo kung galing ka sa Bicol. Kasi, karamihan, ang halos pasalubong ay pili. At ang pinakamasarap sa lahat ng alimango, doon mo matatagpuan sa amin na napakasarap ng lasa, ibang-iba sa lahat.
Hay, naku! Kung saan-saan na tayo napunta. Matagal na rin kasi akong hindi nauuwi sa bayan kong sinilangan.
Anyway, my congratulations to The King of Philippine Movies FPJ, the new National Artist.
Say n’yo? Sana sa susunod, si Dolphy na, o si Vilma Santos, ‘di ba?
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding