MALUGOD NA tinanggap ni Jacky Woo ang trophy for Best Film para sa Haruo mula sa Young Critics Circle na ginanap sa Claro M. Recto Conference Hall, Bulwagang Rizal (Faculty Center), UP Diliman.
Kasama ng actor/ producer ang trusted director niya rito sa Pilipinas na si Adolf Alix, Jr. kaya halos lahat ng proyekto niya rito sa Pilipinas, pagdating sa paggawa ng pelikula ay si Direk Adolf ang nangangasiwa.
After matanggap ang kanyang YCC award ay nag-usap sila ni Direk Adolf tungkol sa sisimulang shooting ng Death March na kahit hindi napasok sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF), puwede naman sa ibang venue ilabas at puwede pa itong ilahok sa iba’t ibang international film festival.
Kaya hindi nadi-disappoint si Jacky kung hindi man napili ang mga pinoprodyus niyang project dito sa Pilipinas. Ang importante ay magaganda ang pelikulang kanyang pinoprodyus at marami pang kababayan natin ang nabibigyan ng trabaho. Kaya bukod sa ilang eksena na dapat niyang tapusin sa Ride To Love ay haharapin pa rin niya ang isang project with Thailand actor Mario Maurer na hopefully ay sa September simulan.
Noong Biyernes ay bumalik ng Japan si Jacky at makaraan ang isang linggo ay balik-Pilipinas siya para tapusin ang ibang commitments niya rito.
MASAYANG IBINALITA ng star ng Hiram na Puso na si Kris Bernal nang nakausap namin kamakailan na totoong nanliligaw na sa kanya si Carl Guevarra na ayon dito ay may isang buwan na.
Kuwento pa nito na isa si Carl sa nagpapasaya sa kanya, bukod sa kanyang pamilya at magandang career. Sobra raw kasing mabait at may pagpapahalaga sa babae si Carl na nagustuhan niya sa binata.
“Opo, totoo po na nanliligaw si Carl Guevarra. Nakakatuwa rin, masarap din kasi ‘yung feeling na may sumusuyo sa ‘yo. Ayun, kinikilala ko pa siya. Although matagal na kaming magkakilala, pero ‘hi hello’ lang kami noon, tapos nagkatrabaho kami sa The Last Prince. Pero iba ngayon, kasi nanliligaw siya.
Kailan siya nagsimulang manligaw sa ‘yo?
“Nagkaroon kami ng mall show sa Cebu. Hindi nga kami masyado nag-uusap nu’n eh, kasi masyadong tahimik na tao si Carl. Hanggang, ayun, nagyaya siyang mag-coffee. Nag-coffee kami, du’n na kami nag-usap at nagkakuwentuhan, du’n nagsimula ‘yun. Tapos kinuha niya ‘yung number ko, tapos nagti-text na siya at tumatawag lagi, hanggang niyaya na niya akong lumabas, mag-dinner. Nagkasama na kami, mga twice. Lumalabas-labas kami, ganu’n pa lang. Hindi pa rin kasi ako sure kung handa na ako na magka-boyfriend ulit. Bale ini-enjoy ko lang.
Pano niya sinabi sa’yo na gusto niyang manligaw sa ‘yo?
“Wala lang. Sinabi niya sa akin na gusto niyang manligaw. Medyo nagulat ako, kasi ambilis. Pero maganda naman niyang sinabi, naramdaman ko ‘yung sincerity niya. ‘Yun nga lang, sinabi ko sa kanya na ‘wag masyadong mag-expect, ‘wag magmamadali. Mas maganda kasing kilalanin muna namin ang isa’t isa. At hindi lang dapat ako ‘yung maging sure, dapat pati rin siya. Bukod pa sa kagagaling ko lang kasi sa isang relasyon na hindi rin nagtagal, kaya medyo iwas muna ako pagdating sa pagkakaroon ng karelasyon. Pero sa dalawang beses na pagsasama namin sa lakaran, naramdaman ko kasi kay Carl ‘yung malaking respeto niya sa babae.”
FLATTERED ANG Tweenstar na si Kristoffer Martin na maikumpara kay Coco Martin, kung saan marami ang nagsasabing ang mahusay na young actor ang Coco Martin ng GMA-7. Kuwento nga ni Kristoffer na flattered siya na masabing Coco Martin, dahil nga mahusay at award-winning actor ang ABS-CBN prime artist na nagsimula at nakilala sa indie films.
Ayon pa sa mahusay na actor, mas gusto raw nitong makilala sa sarili niyang paraan at hindi idinidikit sa pangalan ng ibang artista o inihahalintulad sa ibang artista. Iba raw kasi ang feeling kapag sinasabi nila na magaling ka at pangalan mo ang sinasabi ng tao.
Pero katulad ni Coco, sumabak na rin sa indie film si Kristoffer via Oros na isa sa aabangang entries sa 2012 Cinemalaya, kung saan kasama nito sa nasabing pelikula si Kristoffer King. Bukod sa Oros ay kasama rin si Kristoffer sa indie film na Basement, kasama ang ilan sa Kapuso stars na sina Teejay Marquez, Mona Louise Ray, Ellen Adarna , Enzo Pineda, atbp.
Si Kristoffer ang bagong magiging kapareha ni Bea Binene sa Luna Blanca na siyang magsisilbing bagong soap nito sa primetime sa Kapuso Network. Habang bibigyan naman daw ng ibang proyekto ang ka-loveteam nitong si Joyce Ching at si Jake Vargas na kapartner naman ni Bea.
John’s Point
by John Fontanilla