FIRST TV appearance ni Luis Gabriel Moreno ang guesting niya sa Sunday All Stars (SAS) nitong Linggo, August 31. Siya ang kauna-unahang Pilipino na nakasungkit ng gold medal sa larangan ng archery sa katatapos na Youth Olympics na ginanap sa Nanjing, China.
“I felt very proud na parang people are very proud of me,” masigla niyang pahayag nang makausap namin. Nagulat nga ako, may fan page na ako sa Facebook pag-uwi ko, e.”
Si Luis Gabriel ay anak ni Federico Moreno na unico hijo ng Master Showman na si German Moreno at Shiela Magdayao na kapatid naman nina Vina Morales at Shaina Magdayao.
Marami ang nagtatanong… bakit nga ba sports at hindi showbiz o pag-aartista ang nakahiligan niya gayong apo nga siya ni Kuya Germs na naging mentor ng maraming sumikat na stars?
“Pinasok ko ‘yong archery kasi I really like the sport. I really love the sport. ‘Yong pag-aartista, I really don’t know yet. Hindi ko pa alam. Hindi naman sa ayaw. Hindi ko pa lang talaga alam.”
Ini-encourage ba siya ng kanyang lolo na mag-artista?
“Hindi naman sa ini-encourage. Pero supportive siya sa kung anumang pipiliin ko.”
Paano ba siya nag-train sa archery?
“Well, everyday after school. Tapos weekends. Natatapos ako, 4:30 pm sa school. Third year high school na ako sa La Salle Greenhills. Mga two to three hours akong nagti-training.”
Gaano katagal na siyang nagti-training?
“Pang- 9th year ko na ito. Nag-start ako when I was 7 years old. Itutuluy-tuloy ko lang ‘yong training ko. Sana sa Rio Olympics, mag-qualify ako. Iyon ang sunod na tinatarget ko,” ang 2016 Olympics na gagawin sa Rio De Janeiro, Brazil ang kanyang tinutukoy. Pero for now, focused muna ako sa pag-aaral. Kapag nakahabol na ako (sa lessons nila sa school), balik ulit sa training.”
Sa pagkapanalo niya ng gold medal sa Nanjing Youth Olympics, hindi malayong may mga nai-engganyo rin ngayon na subukan ang archery. Kaya lang mukhang may kamahalan ang gamit para rito.
“Kung mag-i-start ka, puwede naman na rent-rent lang. Tapos kung decided ka na talaga, just like any sports… do’n ka na gagastos. Hindi naman masyadong mahal ‘yong gagasusin mo sa archery. Anyone can join. Ang kailangan mo lang, support from your parents siyempre. And love for the sports.”
Ano sa palagay niya ang malaking factor sa pagkapanalo niya ng gold medal?
“Well siyempre, nothing is impossible. Basta ang kailangan mo lang… ‘yong will and determination to win.”
May message ba siya sa mga kabataang gustong subukan ang archery?
“Well archery is a very fun sport. Hindi siya ‘yong pang-mayaman lang. Kahit sa mahirap puwedeng-puwede. Like sa Palarong Pambansa. Ang daming athlete from the provinces that are very good. Na hindi mo ini-expect. So, try n’yo lang ang archery. Hindi kayo mabibigo.”
Balitang ang lolo niyang si Kuya Germs ang number one na nag-sponsor sa kanyang pagsabak sa Nanjing Youth Olympics.
“Marami akong sponsor. Pero siyempre siya (German) ang number one!”
Bilang suporta nga kay Luis Miguel, binigyan ni Kuya Germs ng 100 thousand pesos. May ilan pang sponsor na nagsabing magbibigay rin sila ng financial assistance sa binatilyo.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan