NAGTATAKA SI RONNIE Liang kung bakit may tsismis na nag-attempt umanong mag-suicide ang dati niyang manager na si George Rocha dahil sa sobrang depression umano sanhi ng falling out ng relasyon nila bilang talent at manager. Ayon sa guwapong singer, regular daw ang kanilang communication at okey naman daw ang kalagayan nito ngayon.
“Masaya siya ngayon,” ani Ronnie. “Matatapos na ang pag-aaral niya ng pagdidirek ng indie film. Nasa San Francisco siya ngayon. Okey naman kami kahit no’ng lumipat na ako sa management ni Kuya Arnold (Vegafria). May mga pagkakataong nagbu-book din siya for me kapag may mga inquiries sa kanya.”
Last week, issue rin na binitawan na rin daw siya ni Arnold. Hindi na raw kinaya ng nasabing manager ang pagiging masyadong mapagtanong niya tungkol sa mga projects at kung anu-ano pa hinggil sa pamamalakad nito sa kanyang career. Nakaka-pressure daw.
“Hindi naman gano’n. Siguro nagkaroon lang kami ng misunderstanding. For example, pinapa-follow-up ko lang ‘yong mga schedules na ibinigay niya sa akin. Pero it doesn’t mean na pini-pressure ko siya.”
Hindi na raw nga si Arnold ang manager niya ngayon. At balik daw siya ulit sa poder ng dating mentor niyang si George.
“Nag-offer po siya na i-manage ulit ako. Kasi nga kahit na kay Kuya Arnold ako, regular pa rin ang aming communication. And nag-offer siya ng help at tinanggap ko po naman.”
Hindi kaya sa bandang huli, panibagong sama ng loob lang ang anihin na naman nitong George Rocha bilang manager ulit ni Ronnie?
‘Yon na!
NA-INSPIRE SIGURO SA pagiging magaling at successful bilang negosyante ng boyfriend niyang si Emerson Chua kaya siguro nagdesisyon na ring mag-business ni Nadine Samonte. Kamakailan ay kumuha ang aktres ng franchise ng Scramble King, ang bagong kinagigiliwan ngayon ng mga kids na ice scramble na may iba-ibang flavors.
Happy naman daw si Nadine sa pagpasok niyang iyon sa pagni-negosyo na so far ay maganda naman daw ang takbo. At aminado siyang malaki nga raw ang naging impluwensiya ng boyfriend niyang si Emerson sa pagiging business-minded niya ngayon.
Nananatiling smooth-sailing ang takbo ng kanilang relasyon. Walang anumang nagiging problema. Senyales na talagang compatible sila.
Hindi naman itinatanggi ni Nadine na napag-uusapan na rin daw nila ni Emerson ang tungkol sa pagpapakasal. Malamang daw, baka next year ay planuhin na nila ang tungkol dito. If ever daw na magdesisyon silang mag-settle down na, ia-announce daw kaagad nila ito in public.
Hindi pa raw masabi ni Nadine kung anong klase o tema ng wedding ang gusto niya. Basta ang nasa isip lang niya umano ngayon, gusto niya ng isang solemn at memorable na seremonya sakaling ikasal siya.
‘Yon na!
ANG SWEET NINA Gretchen Barretto at Tony Boy Cojuangco nang bumungad sa Resorts World na siyang venue ng katatapos na PMPC Star Awards For Television. Nominated si Gretchen sa kategoryang Best Single Performance by An Actress para sa markado niyang portrayal sa episode na Larawan ng Maalaala Mo Kaya.
Kapansin-pansin ang mahigpit na paghahawak-kamay nina Gretchen at Tony Boy lalo na nang ia-announce na ang winner. At napahalik ang aktres sa partner niyang prominenteng businessman nang pangalan niya ang tawagin.
“Siya ang humawak ng aking kamay dahil alam niyang ninenerbiyos ako,” ani Gretchen nang makausap namin after the said awards night. “Sabi niya sa akin, ‘if you don’t make it’, huwag daw akong magtatampo or masasaktan. But… I thank God that a lot of people prayed for me. At maraming salamat din sa ABS-CBN at patuloy nila akong pinagpapala sa mga projects na magaganda.
“Pasalamat lang talaga ang nasa puso ko. And love to everyone. And peace. It has been a very good year. And I’m so thankful about it.”
Since she mentioned na pasasalamat, love to everyone, and peace ang nasa puso niya, naisingit tuloy naming itanong kay Gretchen: May tsansa na bang magkabati sila ni Claudine Barretto?
“Ay, huwag na nating palakihin sana. Wala po akong galit kahit kanino. Kahit sa kanya (Claudine).”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan