IBINASURA NI ANTIPOLO RTC Judge Mary Josephine Lazaro ang kauna-unahang kaso ng libelo sa Facebook sa Pilipinas na isinampa ni Dra. Vicki Belo laban sa militanteng abogadong si Atty. Argee Guevarra. Naghabla ng libelo si Belo laban kay Guevarra matapos umanong bansagan ni Guevarra ang doktora na “Reyna ng Kaplastikan, Reyna ng Kapalpakan” at ihambing si Belo kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa bansag na “Peke-Peke”.
Nagsimula ang sigalot ma-tapos maglunsad si Guevarra ng kampanya laban kay Belo sa kanyang pahina sa Facebook at pinaratangan si Belo na walang kasanayan at walang karapatang ipangalandakan ang sarili niya bilang “plastic surgeon” dahil ang kontrobersiyal na doktor ay hindi man sertipikado ng Philippine College of Surgeons, Philippine Dermatological Society at Philippine Association of Plastic Reconstructive and Aesthetic Surgeons si Belo.
Nagsilbing abogado si Guevarra kay Josephine Norcio, dating pasyente ni Belo na sumailalim sa isang Hydrogel Butt Augmentation Procedure sa Belo Medical Clinic. Si Belo ang personal na naghikayat at na-ngasiwa sa naturang operasyon kay Norcio. Matapos ang ilang buwan, nabulok ang Hydrogel sa puwit ni Norcio na muntik na nitong ikamatay kung hindi naagapan. Lumalabas na may pandaigdigang pagbabawal sa paggamit ng Hydrogel dahil ito ay nakakalason sa katawan.
Ayon kay Judge Lazaro, hindi maaaring usigin si Guevarra sa libelo dahil sa mga limitasyon ng hurisdiksyon sa ating batas, partikular na sa maling lugar na pinagsampahan ng kaso ni Belo. Isinampa ni Belo ang kaso sa probinsiya ng Rizal bagama’t siya ay naninirahan sa Makati at si Guevarra naman, sa Pasig City. Binanggit din ng korte and kaiisa-isang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa internet libel, kung saan dinesisyunan nito na hindi makapagsasampa ng kaso ng libelo sa pamamagitan ng internet dahil hindi maitakda ang tiyak na lugar, kung saan masasabing nalimbag ang isang artikulo sa internet. Bukod dito, may proklamasyon ang Department of Justice na walang uri ng kasong “libelo sa internet” sa ating Kodigo Penal.
Sa pagbasura ng kasong libelo ni Belo, naghahandang buweltahan ng militanteng abugado ang doktora ng malpractice suit at kasong malisyosong pang-uusig ang kontrobersyal na doktora.
Pinayuhan ni Guevarra si Belo na tigilan na nito ang pagpapanggap na siya ay isang plastic surgeon at sa halip ay kumuha ng kaukulang sertipikasyon mula sa PCS, PDS at PAPRAS. Bukod dito, hinamon ni Guevarra si Belo na harapin ang kanyang mga obligasyon sa kanyang mga nadisgrasya at napatay na pasyente. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)