TAPOS NA rin ang isang taong bangayan ng magkapatid na sina Ara Mina at Cristine Reyes. Naganap ang pagkikita ng dalawa last week, Biyernes Santo sa kanyang bahay.
Ayon pa sa kuwento ni Ara, nagpadala raw nang sunud-sunod na text messages ang nakakabatang kapatid na si Cristine noong Huwebes Santo, Macrh 28, humihingi ng permisong mabisita siya upang makapag-usap sila.
“Sabi niya, hindi na niya kaya. And sabi rin niya, kung hindi pa kami magkikita, pupunta na lang siya ng Baguio since nandu’n na ibang mga kasama niya.”
Hindi niya raw sinagot si AA (palayaw ni Cristine) noong araw na iyon kundi kinabukasan na. Lahad pa nito, “Good Friday, I decided na i-text siya para papuntahin siya sa bahay. ‘Yun pala, on the way na siya sa Baguio. Nasa Tarlac na siya when she got my text na ‘sige, punta ka na dito sa bahay’. Sabi ko, ‘sige, bumalik ka na lang’.”
Kahit mag-isang nagmamaneho, pinili raw ni Cristine na mag-U-turn para makapunta agad sa bahay niya. Sa kamamadali nga raw nito, nahuli pa raw si Cristine ng overspeeding sa SCTEX.
Dagdag pa ni Ara, “Medyo nabilisan niya’ng pagmamaneho kaya nahuli pa siya. Ibinigay na lang daw niya agad ang license niya para makaalis na. Lunchtime na nu’ng dumating siya sa bahay.”
Nagkailangan pa daw sila noong una na silang nagkaharap. “Ang weird lang kasi parang ilang na ilang pa rin kami sa isa’t isa. Naupo lang kami sa sofa. Magkalayo pa. Nag-iiwasan pa nu’ng una ng tingin. ‘Di malaman paano sisimulan. Until sinabi niya lang na ‘Ate, kasalanan ko lahat. I am very, very, very sorry’. Tapos, ayun na. Nag-breakdown na siya. Parang ‘MMK’ ang eksena. Hindi na mapigilan ‘yung iyak niya. Ako rin naiyak na.”
Matapos daw ang kani-lang iyakan, tinawagan ni Ara ang isa pa nilang kapatid na si Holy King na nakaalitan din ni Cristine para makumpleto na raw ang pagpapatawaran.
Naramdaman na daw kasi ni Ara na sincere at totoo ang paghingi ng tawad ng kapatid. Sabi pa niya, “This time, sa kanya rin nanggaling na wala namang nagtulak o nag-udyok sa kanya na gawin ito. Sarili niyang desisyon. And it came out sa nadesisyunan na rin niya munang paghahanap sa sarili niya. Like, ‘yung napagkasunduan nila ni Rayver (Cruz) sa relasyon nila. Kaya, gusto muna talaga niya na mapag-isa. To think things over. So, ‘yun pala ang mga inaayos niya sa buhay niya.”
Kasunod nito, pinuntahan din nila ang kanilang inang si Mommy Klenk. Patuloy pa ni Ara, “Sabay kami pumasok sa bahay ni Mommy. Eh, alam mo naman si Mommy Klenk, mababaw rin ang luha. Pero siyempre she’s very thankful na we’re okay na.”
Pasalamat din ni Ara na humingi na rin ng pasensiya si Cristine sa boyfriend niyang si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses. Pagwawakas niya, “She had to. Sa rami rin naman ng mga taong nasagasaan niya at na-involve sa mga nagawa niya. Nag-usap na rin sila.”
NAKAUSAP NAMIN si Krista Miller sa presscon ng Boracay Bodies ng TV5 na magsisimula na ngayong Sabado, April 6 at 9 pm. Nakasentro ang panayam namin at ng entertainment press sa pagkadawit pa rin niya sa hiwalayang Cesar Montano at Sunshine Cruz.
Sabi ni Krista, hindi siya guilty dahil wala talaga silang ugnayan ni Cesar at saksi raw ang kanyang parents dahil palagi raw niya itong kasama sa kanyang engagements. Pero hurting pa rin siya na nadamay siya sa isyu pati na ang kanyang pamilya. “Kasi kung anu-ano na ang sinasabi ng mga tao sa akin, ‘yung pamilya ko nadadamay na. Pero ako, ano, parang as long as wala kang ginagawang masama, hindi na lang ako nagpapaapekto masyado. Nasaktan ‘yung mga magulang ko. Kasi, sino ba namang magulang na makakaya ang mga sinasabi tungkol sa akin ‘di ba? Pero nagpaka-strong pa rin sila, ayaw nilang magpakita ng panghihina ng loob kasi baka manghina na rin ako. Pinapalakas ako.”
Wish niya ngayon na maayos na ang relasyon nina Cesar at Sunshine. “Ako siyempre nalungkot ako, kasi siyempre may family rin ako. Pero wala naman kasi akong ginagawa, eh. Hindi ako para ma-guilty, as in wala. Malungkot ako para sa kanila. Sana maayos nila ang kanilang problema.”
Nasaktan din daw siya personally sa katagang ‘starlet’ na laging nakabuntot sa kanyang pangalan. Pero depensa niya, “Lahat naman ng artista nagsisimula sa pagiging maliit kaya okay na rin siguro ‘yung ganu’ng tawag.”
May point naman siya!
Sure na ‘to
By Arniel Serato