SINUSULAT ITO ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang marami na ligtas at mare-rescue si DILG Sec. Jesse Robredo sa karagatan ng Masbate lulan ng nag-crash na private plane.
Nag-prayer vigil na sa LSGH sa Mandaluyong, dahil sabi nga “prayers can move mountains”.
Umaasa rin ang pamilya Robredo na ligtas ito, dahil malakas ang kutob nilang nakalangoy ito bitbit ang katotohanang “secretary is a good swimmer”.
Nakausap pa raw ni Robredo ang pamilya bago nabalitaang bumagsak sa karagatan ang plane nito kasama pa ang piloto at ang co-pilot at nakaligtas naman ang aide nito.
Let’s hope and pray na buhay si Robredo, lalo na’t napakabait daw nitong tao sampu ng mga kasama nito.
PAGKATAPOS NI Ti-to Dolphy na naki-pambuno sa sakit na lung cancer at iba pang kumplikasyon na sa huli’y tuluyan nang namaaalam.
Katatapos lang ng 40 days ni Tito Dolphy, ginulantang naman tayo ng balita na Zsa Zsa Padilla is suffering from stage 1 kidney cancer.
Kinumpirma ito ni Zsa Zsa at nag-tweet pa ang Divine Diva ng, “When life situations get rough, I find myself taking deep breaths… And I am ready 2 take on new challenges. Living life. One day at a time.”
Sinusubok talaga ng tadhana si Ms. Zsa Zsa, pero sabi nga nila, mabuti at na-diagnose agad para makapaghanda si Ms. Zsa Zsa at maaari pa itong maagapan.
At mas mapapadali ang recovery ni Ms Zsa Zsa kung tutulungan na rin natin ang kanyang pamilya sa pagdarasal.
Kaya mo ‘yan, Ms. Zsa Zsa. Alam naming fighter ka ever since. Lets do this!
LAHAT TAYO ay mamamatay. Sinasabi nila na una-una lang ‘yan. Lahat tayo, me “schedule of departure” na ‘ika nga. Hindi nga lang natin alam kung kelan at kung sa anong paraan.
Kaya nga sa mga takot mamatay, panay ang usal ng dasal. Lalo na du’n sa worried na worried para sa iiwang pamilya.
Laging may pakiusap sa Diyos ng, “Lord, ‘wag muna po ngayon, ha? Maliliit pa po ang mga anak ko.”
O kaya, “Lord, ang dami ko pa pong utang. ‘Wag muna po ngayon. Ayoko namang magpamana ng utang. Baka patay na ko, kinamumuhian ako ng pamilya ko.”
Personally, takot akong mamatay, dahil ‘yung nabasa n’yo sa itaas, dayalog ko rin ‘yan.
Hindi naman masamang makiusap sa Diyos, at alam kong naririnig niya naman ako.
Kahit siguro kayo, ‘yun din ang panalangin. Na humaba ang buhay dahil maraming buhay ang binubuhay.
Pero dahil hindi rin naman natin kabisado ang buhay, kaya payo rin namin sa inyo, iba na ang handa.
Pero kahit ano pa’ng explanation natin, babagsak pa rin tayo sa iisang linya: Pero ‘wag muna, Lord, ha?
Oh My G!
by Ogie Diaz