NOON LAMANG nakaraang weekend ay nanalasa ang bagyong Lando. At nitong Lunes lang din, Oktubre 19 habang bumabagyo, tayo ay nakaranas ng paglindol sa Metro Manila. Mukang sunud -sunod ang kalamidad na nananalasa sa atin ngayon. Kaya dapat, hindi lang sa bagyo tayo ay alerto. Dapat pati sa lindol. Ang lindol man ay kahit kailan hindi mahuhulaan ang pagdating gaya ng bagyo, may mga hakbang pa rin na dapat gawin upang tayo ay maging handa kung mangyari man ito.
Kaya mga bagets, anu-anong paghahanda ang dapat gawin upang pinsala ng lindol ay maiwasan?
- Maghanda ng emergency kit at first aid kit. Ihanda natin ang mga kailangan sa mga oras na ganito dahil mas mainam na ang handa upang maging alerto at iwas sa trahedya. Dapat ay may mga emergency kit at first aid kit tayo tulad ng whistle upang makapag-signal tayo sa oras na kakailanganin, flashlight, extra battery, dust mask upang maiwasan natin ang kontaminadong hangin, pagkain, mga noodles, canned goods, kasama na rin ang manual can opener, towel, at garbage bag para sa personal na sanitation.
- Suriin ang parte ng bahay. Sabihin kay itay ang mga marurupok na bahagi ng bahay upang maipagawa, at para maiwasan ang tuluyang pagbagsak ng marupok na bahagi ng bahay.
- Kailangang laging full charge ang mga cellphone in case of emergency ay mayroon tayong magagamit sa oras ng emergency. Panatilihin din natin na full charge ang mga flashlight upang magamit lalo na ‘pag brownout at sa madilim na mga lugar, radyo para tayo ay makasagap ng balita ukol sa sitwasyon, sa bagyo o lindol.
Sa kasagsagan ng lindol, dapat huwag unahan ng panic. Kailangang maging buhay ang diwa sa lahat ng bagay. Huwag pangunahan ng iyak at pag-alala. Tandaan, iligtas ang sarili higit man sa lahat.
- Huwag sisilong sa mga imprastrakturang puwedeng gumuho gaya ng building, pader, poste at iba pa upang maiwasan ang trahedya na maaring tayo ay mabagsakan.
- Layuan din ang mga naglalakihan at nagtataasang puno.
- Huwag sasakay ng elevator kung kayo man ay nasa eskwela o trabaho kung mangyari ang lindol dahil maaari tayong makulong o ma-trap sa loob at mahirapan sa pag-alis at sa limitadong hangin sa mga oras na iyon.
- Kung nasa loob ng kotse, huwag dumaan ng mga flyover at umiwas sa mga buildings at mainam na umuwi na agad upang mas nakasisigurong ligtas kapag nasa bahay. Hindi rin natin masabi kung saan nga ba mas ligtas, pero kapag tayo ay handa at alarma sa mga dapat nating tandaan at lalung-lalo na ay hindi dapat tayo pangunahan ng kaba o mag-panic.
Tandaan natin ang mga bagay na ito upang makaiwas sa aksidente o trahedya. Mainam na ang maging handa o alerto sa bawat dumdarating na bagyo o lindol. At siyempre, huwag nating kalimutan ang magdasal, dahil ito ang pinakamalakas na sandata sa lahat ng uri ng mga kalamidad.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo