POSIBLENG MAGANAP nga ang kinatatakutan ng maraming “boxing aficionado” na malamang humilata sa “lona” itong si Manny Pacquiao pagda-ting ng kanyang laban sa Mayo 6 kontra kay Timothy Bradley.
Sa maraming kadahilanan, gaya na lamang ng edad, kung saan mas bata si Bradley at hindi rin matatawaran ang bilis, lakas at kakayahan nito na pinatutunayan ng kanyang malinis na record na walang talo… may isang bagay kay Pacman na pinangangambahan maging ng ilang boxing official – ang napa-karaming “distraction” ng Pambansang Kamao.
Sa totoo lang, simula nang dumami nang husto ang mga inaatupag ni Pacman ay hindi na naging maganda ang kanyang performance sa ring.
Katunayan, maging ang maraming Pinoy ay diskumpiyado kung talaga nga bang panalo si Pacman doon sa huli niyang laban kay Juan Manuel Marquez!
Tingnan natin, parekoy, itong pinakahuling “masalimuot” na isyu na kinasasangkutan ni Pacquiao, kung saan ay muntik nang maapektuhan maging ang kanyang pagiging endorser ng Nike sa ibang bansa.
Aba eh, hindi birong “mental anguish” ang sinuong ni Pacman. Na kinailangan pa munang magkaroon siya ng katakot-takot na effort para lamang maiayos ang kanyang sarili mula sa nasabing gusot.
At maliwanag na iyon ay kabawasan sa oras ng kanyang praktis!
Biruin mo ba namang magpahayag ito ng kanyang opinyon, kung saan ay tahasan niyang sinabi na hindi naaayon sa batas ng Diyos ang “same sex marriage”!
Sa totoo lang, parekoy, nirerespeto natin ang pananaw ni Pacman sa nasabing isyu. Pero dapat sigurong maalaala ni Pacman na ang dahilan kaya siya naroon ngayon sa Amerika ay upang mag-ensayo para sa nalalapit niyang laban.
Hindi siya naroroon para isawsaw ang kanyang sariling opinyon sa isang masalimuot na isyung kinakaharap ng Amerika ukol sa “same sex marriage”.
After all, hindi naman ito concern sa pagiging mambabatas niya rito sa ‘Pinas. O kaya sa kanyang pagiging boksingero!
Lalo namang hindi siya naroroon para magwagayway sa buong mundo ng kanyang “katiting” na kaalaman ukol sa Bibliya.
Tingnan n’yo, parekoy, nabisto tuloy siya na ultimo ang pangatlo sa limang aklat na sinulat ni Moises na “Leviticus” ay hindi pa pala niya alam. Pero panay “pray over” at pagtuturo sa mga “Bible study” ang kanyang ginagawa sa halip na siya muna ang dapat na i-Bible study!
Para malaman ni Pacman na ang Bibliya ay binubuo hindi ng “Bagong Tipan” lamang. Na sa kabuuhang 66 na aklat ng Bibliya, 27 lamang ang nasa Bagong Tipan mula sa Matthew hanggang Revelation. Ibig sabihin ay 39 ang nasa Lumang Tipan (mula Genesis hanggang Malachi) na hindi pa nababasa pala ni Manny.
In short, kahangalan kung ipangalandakan agad ang Bibliya gayung hindi pa nga pala siya nangangalahati sa pagbasa nito!
Sa totoo lang, parekoy, madali lang naman sanang naiwasan ni Pacman ang nasabing isyu kung hindi lang siya nagpaka-adelantado. Aba eh, simpleng sagot lang ang dapat niyang ibinigay roon sa nag-interview ukol sa kanyang opinyon kaugnay sa “same sex marriage”.
“Naparito po ako para mag-ensayo ng boxing at hindi ko pa po alam o nababasa ang mga artikulo o usaping nakapaloob sa isyung ‘yan, saka na lamang po ako magbibigay ng aking opinyon ukol d’yan.”
Oh, ‘di ba? Simpleng sagot na hindi sana siya na-stress sa kapapaliwanag para lamang malinis ang kanyang sarili mula sa naganap na pagkundena ng mga “beki” sa buong mundo!
Masyado lang kasing naging “taklesa” si Pacman kaya lalong dumarami ang kanyang distractions na posibleng maging sanhi ng mapait na pagkatalo.
Isang bagay na hindi dapat kalimutan ni Pacman… maging sa boksing, ang pagiging adelantado ang nagiging sanhi ng pagkatalo!
Dapat magbago ka na bossing hangga’t maaga!
Hangad naming manalo ka sa laban na ito, dahil gusto naming magpang-abot kayo sa ring ng hambog na si Floyd Mayweather!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303