NAABUTAN NAMING MASAYANG nagkukuwentuhan ang magkakapatid na Ian, Matet at Kenneth de Leon sa lokasyon ng Sa Ngalan Ng Ina na pinagbibidahan ng nanay nilang si Nora Aunor over TV5. Kasalukuyang naghahanda naman si ate Guy para sa next scene niya, kung saan ang ex-husband niyang actor cum politician na si Christopher de Leon ang kaeksena niya.
Maya-maya pa’y dumating na si Boyet at sinalubong siya ng mga anak. Para lang silang magkakabarkada na super-close at biruan ng biruan nu’ng magkita-kita. Maya-maya lang ay pumasok na si Boyet kasama si Ian sa lugar ni Ate Guy upang magbihis na rin at maghanda para sa eksena. ‘Yun na ang hudyat upang masolo namin si Matet upang tanungin sa ilang bagay.
Unang tsika ni Matet, ganu’n daw sila, mula nu’ng duma-ting ang Mommy Guy nila, lagi silang nagkikita-kita. “Basta malapit ang location, ‘andu’n kami, pinupuntahan namin si Mommy. Like ngayon, malapit lang ako dito, so go!”
“Si Kuya (Ian) lang ang kasama nila sa mini-series, bad boy ang role ni Kuya, nagtatawanan nga kami kung paano niya gagawin ‘yun, eh, super kulit kaya nu’n at bungisngis pa! Parang si Daddy (Boyet) at si Mommy rin!”
Tipong sinusulit nila ang “mga panahong hindi nila nakasama” ang Mommy nila?
“Ay, opo!” mabilis na sagot ni Matet. “Hanggang sa pag-uwi, kasama namin siya. Tapos pinupuntahan namin siya sa Eastwood (kung saan sa isang condo doon naka-stay si Ate Guy). Magkakasama kami sa pagtulog, tapos pinagluluto niya kami. Minsan naman, dahil pagod siya, nagpapahinga, wait lang kami kasi alam naming “madugo” ang taping niya. Ayun, alam niyang ‘andu’n lang kami at paggising niya, kami ang makikita niya.”
Parang walang balita o ‘di yata nababanggit si Lotlot na dumadalaw kay Ate Guy?
“Naku, alam n’yo naman ‘yun, sobrang busy! ‘Pag nakita n’yo siya, tanungin n’yo kung ano ang ibig sabihin ng “pagod”, baka hindi na niya alam. Kasi parang hindi siya napapagod, eh! Tapos ang layo pa ng location ng mga tapings niya at siya pang mag-isa ang nagda-drive, huh! Sobrang busy nu’ng Ate kong ‘yun! ‘Di siya nakakadalaw kay Mommy sa taping, like dito o sa Batangas, du’n sa “El Presidente”, pero every Sunday, ‘andu’n siya kasama ang mga pamangkin ko. Siyempre, family day ‘yun, gusto ni Mommy, kumpleto kami pati mga apo niya. ‘Pag Sunday, magkakasama kami, dinadalaw namin si Uncle Buboy (Eddie Boy Villamayor) sa Antipolo, tapos sabay-sabay kaming magdi-dinner.
“Eh, si Ate, alam n’yo naman ‘yun, kung nakikita n’yo lang, parang ayaw nang humiwalay kay Mommy ‘pag nakita, eh! Kami rin naman, kaya sinusulit namin ang panahon, kung puwede lang talaga, araw-araw sa lahat ng oras, kasama namin siya!” sey pa ni Matet.
Nakita na ni Lotlot ang biological father niya, siya ba eh, walang planong hanapin pa ito?
“As of now, wala , eh! Bakit pa, eh, ‘andito ang pamilya ko! Ayan, o, ‘and’yan si Mommy, si Daddy, mga kapatid ko. Sila ang pamilya ko, eh! I mean, wala namang kulang o emptiness akong napi-feel kasi nga sila ang pamilya ko!
“Siguro ‘pag may mga sakit nang lumalabas, baka hanapin ko rin siya para ma-trace ko kung ano ang sakit niya para maiwasan ba. ‘Di ba?” tatawa-tawa pang sey ni Matet.
Mukhang wala siyang pinagkakaabalahan ngayon kaya may time siyang magbabad sa taping ng Mommy at Daddy niya?
“Katatapos ko lang nu’ng “Forever and a Day” with KC Concepcion and Sam Milby. May gagawin ulit ako. Siyempre, support-support ulit. Pero okey lang sa akin ‘yun, hindi na naman ako naghahangad na maging bida. Okey lang sa akin basta’t may trabaho.”
Keri naman niya at mahusay siyang sidekick ng mga bida. Naging close nga sila ni KC at puring-puri siya nito na mabait at masaya raw kasama.
“Alam n’yo ‘yung taong iyon (KC), sobrang bait! Ewan ko, ‘yung iba siguro, nai-intimidate sa kanya, pero sobrang bait nu’ng taong ‘yun. Akala lang nila, may something, pero masaya ring kasama ‘yun! Ganda pa! Magkamukha nga kami, ‘di ba?” hirit pa ni Matet sa amin.
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer