NGAYONG TAPOS na ang school year para sa mga bagets, hindi naman lahat sa inyo ay paniguradong bakasyon grande dahil karamihan sa inyo ay maghahanap ng kumpanya, kung saan kayo mag-o-OJT. Ang iba naman ay maghahanap ng trabaho bilang summer job, at siyempre sa mga ate at kuya natin na tinuturing pa rin nating bagets na nagtapos sa kolehiyo, magsisimula na sila sa panibagong yugto ng kanilang buhay, ang real world na tinatawag, ‘ika nga.
Isa sa malaking isyu sa ating bansa ang unemployment at underemployment sa mga Pinoy. Bakit nga ba ganoon? Nakatapos ka naman, may sapat ka namang kaalaman, bakit hindi ka pa rin makakuha ng trabaho?
Mahirap solusyonan ang unemployment dahil taun-taon, kayrami ng bilang ng nagtatapos sa kolehiyo, idagdag mo pa na maraming nagtatapos sa kursong kapareho ng sa iyo. Kaya matindi ang kumpetisyon. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na mas pinapaboran pa nila ang mga estudyante na nagtatapos sa mga piling unibersidad sa bansa.
Minsan pa nga, hindi ka pa nga nabibigyan ng pagkakataong magsalita, pagkatingin pa lamang sa resume mo at hindi ka nagtapos sa paaralan na pinapaboran nila, hindi ka na agad makalulusot sa susunod na hakbang, ang interview. Napaka-unfair, hindi ba?
Kung minsan, hindi na unemployment ang naging problema mo, pero underemployment naman. Ano nga ba ang underemployment? Ito ‘yung pagkakaroon ng trabaho na hindi tugma sa linya ng trabaho na pangkurso mo o mas mababa sa kursong natapos mo. Ito rin ‘yung imbes na white-collar jobs ang mapasukan mo, mauuwi ka sa blue-collar jobs. Hindi naman sa minamaliit ang mga trabaho ng blue-collar jobs, pero nakahihinayang lang na magtatapos ka ng ganitong kurso, kung saan inilaan mo ang apat na taon mo para sa kursong iyon sa pagnanasa na makakuha ka ng trabaho na linya roon, pero mauuwi lang pala sa wala ang lahat.
Ano nga ba ang solusyon para rito? Two-way ang solusyon dito. Dapat gawin ng gobyerno ang parte nila sa paglutas ng problema ng unemployment at underemployment at gawin din natin ang parte natin bilang mamamayan. Bigayan, ‘ika nga. Hindi rin puwede na puro gobyerno o puro tayo lang din ang kikilos. Halimbawa, itong nakaraan lamang, sunud-sunod ang mga job expo na isinusulong ng gobyerno. Huwag mag-aksaya ng panahon at daluhan ito. Huwag umasa sa panay pag-send lang online sa Jobstreet o sa LinkedIn. Hangga’t binibigyan ka ng oportunidad, lahat ay kunin ang pagkakataong ganito. Bilang mamamayan naman, huwag masanay sa puro “okay na ‘to”. Dapat sa lahat ng bagay, gawin ang best para makuha mo rin ang best para sa iyo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo