“SPORTS, TAPING… sarap ng buhay.”
Ito ang mga katagang binitawan ni Matteo Guidicelli sa panayam sa kanya ng Ang Latest ng TV5 na lumabas noong Miyerkules ng gabi, August 22, patungkol sa mga bagay-bagay na kanyang pinagkakaabalahan sa ngayon.
Natiyempuhan ng show si Matteo na nakitakbo at nakipagsabayan sa halos limang daang runners at bikers sa isang duathlon event last Sunday, August 19 sa Sta. Rosa, Laguna.
Bago pumasok ng showbiz si Matteo, kilala na siya sa mundo ng car racing. Kaya naman hindi na nakapagtataka na mahilig talaga sa sports ang Cebuano-Italian actor.
Sa ngayon daw, isa ang fun run sa kanyang mga dinadayong sports event. “Masarap eh, fitness, you got to mingle with nice and good people and you get fit and healthy.”
Bago pa ito ay kagagaling lang daw niya sa Ironman event sa Cebu. Paano kaya niya pinaghahati-hati ang oras niya between sports and showbiz? “Time management lang talaga, may show kami pero time management lang talaga. Mahal ko ‘tong sport, eh.”
Goal kaya niya ang manalo sa mga ganitong klaseng event? “Hindi naman. Pero you got to test your physical ability. Pero at the same time you want to do your best, but basically for fun lang.”
Ano kayang mga proyektong pinagkakabalahan ni Matteo sa ngayon? “Mga ganito (fun run), I’m also doing a soap and a movie. So, I’m just juggling everything around.”
Dagdag pa niya, “Isang indie movie tapos pagkatapos noon may soap ako, PHR (Precious Heart Romances).”
Halatang excited si Matteo sa kanyang indie movie na gagawin dahil first time daw niyang gagawa ng ganitong klaseng proyekto. “First time, first time. Wala, gusto ko talagang mag-indie, eh. Gusto ko talaga since dati pa and maraming salamat sa kanila, sa blessing na ito at natuloy. So, I’m very, very happy. It’s about an Italian priest, pari ako du’n, eh. Isang pari, it connects with my Italian culture dahil Italyano ako du’n, and I’ll be playing an Italian character so, masarap, sarap. I’m very,very excited… maraming fight scenes, arnis. Next week mag-start shooting na kami.”
At dahil nga pari ang role niya, so walang leading lady? “Ah wala, wala. It’s basically about an orphanage, mga orphans, kids, Christianity mga ganu’n.”
Tungkol naman sa PHR, excited din ang singer hunk dahil ‘it’s a new thing’ daw ang istorya sa kanya. “Tapos ‘yung PHR kasama si Jessy Mendiola. Kasama rin sina Jewel Mische, Matt Evans, so very exciting at ito ay isang project na, very new thing for me. Ang role ko du’n is isang businessman tapos, basically na-stranded kami sa isang isla. Alam mo ‘yung pelikulang Blue Lagoon? Parang ganyan. Nag-start na kami ng taping pero mga October pa siya ilalabas.”
Pagdating naman sa lovelife, todo-iwas si Matteo na sagutin ang tungkol sa hiwalayan nila ni Maja Salvador. Paiwas niyang tugon, “Alam ko na ‘yan, hahaha! Okay naman masaya.”
ISA SA mga fast rising young star sa ngayon ay ang iced tea boy na si Neil Coleta. Nagpasikat kasi talaga sa kanya ay ang commercial niyang brand ng iced tea. Matapos nito ay kabi-kabila na ang proyektong ginawa ng batang actor.
Noong Linggo, August 19, sa mall show ng I Dobidoo Bidoo, isa siya sa mga tinilian ng fans na sumaksi sa Trinoma Mall.
Labis-labis daw ang kanyang kasiyahan na kahit baguhan pa lamang siya ay nakasama na niya ang mga bigating artista at singer sa industriya. “Siyempre nakaka-proud sa sarili ko kasi ‘di naman ako magaling kumanta, sumayaw, ang kaya ko lang gawin ay magpatawa lang, pero kasama ko sina Sir Gary (Valenciano), sila Miss Zsa Zsa (Padilla), Miss Uge (Eugene Domingo), at si Sir Ogie (Alcasid), siyempre nakaka-proud na makasama ko sila.”
Dagdag pa niyang paghanga sa mga senior stars na kasama niya sa pelikula, “Sila Sir Gary, napaka down to earth, bilib ako sa kanila kasi napakabait nila sobra. Si Miss Zsa Zsa ganu’n din kasama ko sila dati sa ASAP, tapos ngayon sa movie, ambait nila sobra.”
More on acting kaya siya rito o kumakanta rin siya? Lahad niya, “Hindi naman meron akong dalawang production number dito na dapat nilang abangan. May kilig din… kilangan talagang abangan, basta kailangan nilang manood nitong movie na ‘to sa August 29.”
Sa ngayon daw ay ang seryeng Aryana sa ABS-CBN ang kanyang pinagkakaabalahan.
Sure na ‘to
By Arniel Serato