HINDI NAGUGUSTUHAN NI Maxene Magalona ang isyung bago namayapa ang kanyang amang si Francis Magalona ay kumalat pa ang litratong may kasama itong isang babae na ang ipinagpapalagay ng mga nagkalat nito ay ang ibang babae diumano sa buhay ng legendary Master Rapper.
“Wala na ang dad ko para ipagtanggol niya ang sarili niya sa ganyang isyu,” napapailing si Maxene. “At napaka-unfair na kung kailan wala na siya, mayroong inilabas na ganyan. So, how are we going to deal with it?”
Kung anuman ang isyung ito, nangangahulugan lang na mamamatay na rin ito at maibabaon sa hukay kasama ni Francis M.
Ang pinag-uusapan ngayon ay ang bagong manliligaw diumano ni Pia Arroyo, ang biyuda ni Francis M. Kung mayroon man, walang nakikitang problema si Maxene dito. Katuwiran niya, at 45, bata pa si Pia kung tutuusin at pupuwedeng makatagpo ng ibang lalaking makapagpapaligaya sa kanya.
Being the eldest among her siblings, si Maxene na siguro ang nararapat magpaunawa sa mga kapatid niya, na kung sakali mang magkaroon sila ng stepfather, hindi naman ‘yun ang tipong ipapalit na nila sa ama nila. Sa ngayon, wala pa namang nakikitang ganitong situwasyon na kasasadlakan nilang magkakapatid kung sakali, pero bukas daw ang mga isipan nila tungkol dito.
“As a celebrity family, ipaiintindi rin namin, lalo na sa fans ng dad ko na hindi puwedeng maging ganoon, na papalitan namin siya dahil mayroong bagong padre de familia na tatayo, kung sakali. It’s not like that,” paliwanag pa ni Maxene.
Basta raw, nasa hustong pag-iisip ang kanilang ina na harapin ang katotohanang ito at ang ganitong situwasyon sa darating na panahon at nakasuporta lamang sila.
Sa kabilang buhay, tiyak na matutuwa si Francis M sa narating ni Maxene. Tapos na ito ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo at ngayo’y pumapailanlang bilang bidahing babae sa GMA-7, at tampok sa isang mapanghamong papel sa GMA Christmaserye na Sana Ngayong Pasko na kasalukuyang humahataw sa ratings.
SA BAGONG SHOW na Tweetbiz ng QTV-11, tampok bilang isa sa hosts si Tim Yap. Showbiz talk pala ito na parang ‘yung foreign cable show na “TMZ” na humahataw ang mga paparazzi.
Most of his contribution in the show are his commentaries. Ang talagang challenge daw ay nasa team niya kung paano susundan-sundan ang subjects na ipi-feature nila at iintrigahin.
Ang advantage ni Tim para sa ganitong klaseng show, insider siya sa showbiz, and at the same time, outsider din. Tiyak na magiging kakaiba ang views na ise-share ni Tim sa show na ito.
Hindi naging madali kay Tim ang posisyon niya ngayon. Nasangkot na rin siya sa kung anu-anong intriga, pero naka-set sa mind niya, hindi dahilan ‘yun para mahila siyang paibaba.
Para sa kanya, maraming naituro sa kanya ang mga intrigang kesyo siya at ang ilang kaibigan niya’y nanggamit ng ibang tao. Sa halip na mainis at maging bitter, lalong natanim sa isip ni Tim na hindi siya dapat manghusga ng ibang tao.
Pakiramdam ni Tim, mas naging mabuti siyang tao sa kabila ng mga puna sa kanya, kasi, natututo raw siya sa mga ito.
Calm Ever
Archie de Calma