Dear Atty. Acosta,
NAGKAROON PO ako ng anak sa dati kong boyfriend. Nakasunod ang apelyido ng aming anak sa apelyido ng kanyang ama dahil nakapirma naman siya sa birth certificate ng aming anak. Nagbibigay po siya ng monthly support sa aming anak ngunit ang gusto niya ay hati kami sa ibang mga gastusin ng aming anak? Tama po ba ito? May batas po bang nagsasabi kung magkano ang halagang dapat matanggap ng aking anak na suporta?
Joan
Dear Joan,
AYON SA Art. 195 ng Family Code of the Philippines, ang isang magulang ay may tungkuling magbigay ng suporta sa kanyang mga anak, maging lehitimo man sila o hindi. Gayunpaman, bago magkaroon ng karapatan ang isang illegitimate child na makatanggap ng suporta mula sa kanyang ama, kinakailangan muna itong kilalanin ng huli bilang kanyang illegitimate child. Karaniwang isinasagawa ang pagkilalang ito sa pamamagitan ng paglagda ng ama sa birth certificate ng illegitimate child o sa iba pang pampublikong dokumento. Maaari ring maging batayan ang isang pribadong dokumento na nasa sulat kamay ng ama kung saan sinasabi ng huli na siya ang ama ng mga ito. Kung wala ang mga naunang nabanggit na patunay, maaari pa ring makita ang pagkilala sa isang illegitimate child sa pamamagitan ng pangkalahatang ginagawa ng ama patungkol sa nasabing illegitimate child, gaya ng pagkatawan nito bilang ama ng bata sa mahabang panahon sa mga mata ng publiko. (Article 172, Family Code of the Philippines)
Dahil sa kinikilala ng kanyang ama ang iyong anak, maaari itong makatanggap ng suporta mula sa kanyang ama. Napapaloob sa support ang lahat ng pangangailangan ng isang anak upang mabuhay, pati na rin ang kanyang pangangailangan sa tirahan, pananamit, medikasyon, edukasyon at transportasyon. Kasama sa edukasyon ang mga gastusin sa kanyang pag-aaral ng isang propesyon o bokasyon, kahit na makatuntong na sa wastong gulang ang anak na sinusuportahan habang ito ay nag-aaral. Ang transportasyon naman ay tumutukoy sa gastusin patungo at pabalik sa paaralan o sa lugar na pinagtatrabahuan (Art. 194, Family Code of the Philippines). Ang halaga ng suporta na matatanggap ng iyong anak mula sa kanyang ama ay ibabatay sa kakayahang kumita nito at sa mga pangangailangan ng inyong mga anak na susuportahan (Art. 201, Family Code of the Philippines). Amin ding ipapabatid sa iyo na ang pagbibigay ng suporta ay hindi solong obligasyon ng ama ng iyong anak. Bilang kanyang ina, mayroon ka ring tungkulin na tugunan ang mga pangangailangan ng iyong anak (Article 195, Family Code of the Philippines).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta