MAGANDA ITONG “lifestyle check” na ipinatutupad ng pamahalaan sa mga pinaghihinalaang kawatan sa mga ahensiya ng gobyerno upang sila’y matanggal at hindi na magsilbing anay.
Pero kahit pala napatotohanang nagnakaw at nandaya ang isang opisyal diyan sa Bureau of Customs (BOC), hindi pa rin siya masibak-sibak.
Eh, bakit pa may lifestyle check kung hindi rin naman ito nasusunod?
Isa lang, parekoy, ang opisyal na ito sa BOC sa iniutos ng Office of the Ombudsman na sibakin matapos mapatunayan sa isinagawang lifestyle check na nagpayaman at nagnakaw lang sa posisyon, pero patuloy na nakaupo dahil sa malalakas na taong kinakapitan.
Itong isang Eric Albano ay sinasabing notorious sa BOC. Sandamakmak ang kaso, pero patuloy na nakapamamayagpag at nakapagyayabang sa mga kawani at kapwa opisyal sa Aduana.
Noong 2010, bumagsak sa lifestyle check ng Finance agents si Albano dahil sa hindi maipaliwanag na tinamasang kayamanan.
Ayon sa mga ulat, siya ay may iba’t ibang bahay, condo, sasakyan, mga baril at milyong bank accounts.
Sumabit din siya sa kasong pan-dedekwat sa nakumpiskang smuggled goods, kasama ang kapwa intelligence officer na si Mitchell Verdeflor.
Kinasuhan sila sa Office of the Ombudsman pero matapos iutos na sibakin, nasaan na, parekoy, itong si Albano?
Hayun pa rin siya sa BOC at sinasabing ang tikas-tikas at kapit-tuko!
Hindi ba’t kawalan ng delicadeza ang ganyang asal?
Ang mga opisyal na gaya niya ang nagsisilbing balakid sa ginagawang paglilinis ni BOC Commissioner Ruffy Biazon laban sa mga tiwali at kawatan sa ahensiya.
Tama ba namang “dekwatin” nila ang mga kargamentong nakumpiska ng Customs operatives?
Kung tutuusin, hindi na siya maaaring pagkatiwalaan pa kaya dapat nang sinisipa palabas ng Aduana.
Comm. Biazon, nasa powers mo na kung ano’ng leksiyon ang dapat gawin sa mga tiwali sa BOC.
Naniniwala kami sa inyo na hindi kukunsintihin ang mga iligal na tao at iligal na gawain sa inyong nasasakupan.
Hindi tulong kundi sakit lang ng ulo ang maibibigay nila sa iyo. Napakaganda na po ng ginagawa ninyong kampanya sa BOC kaya ang koleksyion ng buwis ay tumataas pero baka mawalan ng saysay ang lahat ng ito ‘pagkat may mga anay pa kayong hindi natatanggal diyan.
Pagsisipain mo na sila, sir!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME 1530 kHz, AM band, alas 6-7 ng umaga, Lunes-Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction, ipaabot lang sa [email protected] o CP nos. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303