PAPARATING NA ang buwan ng Abril, akalain mo ‘yun parang kailan lang kasisimula lang ng Bagong Taon, ngayon ilang araw na lang mula sa araw na ito, matatapos na ang unang quarter ng taon at atin nang papasukin ang ikalawang quarter. Kay bilis nga naman. Pero alam n’yo bang ating sinasalubong ang ikalawang quarter o ang unang araw ng Abril nang may pakulo? Ito ang tinatawag na April Fool’s Day. Mula naman sa pangalan, alam na alam n’yo na siguro kung ano ang mayroon tuwing April 1. Wala nang iba kundi puro kalokohan.
In na in ang mga bagets diyan kapag April 1 o April Fool’s Day. ‘Yung iba ayaw pahuli sa mga trending na pranks at hit na hit na mga jokes kaya nakikisali rin sila sa April Fool’s Day. Samantala, ang iba naman ay naghihiganti sa mga kaibigan o kapatid na nanloko sa kanila noong nakaraang taon na April Fool’s Day.
Pero bago natin talakayin ang mga kalokohan na pinaggagagawa natin tuwing April 1, atin munang alamin kung paano nga ba ito nagsimula?
May iba’t ibang version ang pagsisimula ng April Fool’s Day. Karamihan sa mga theory na nakalap, nagsimula raw ito noong taong 1582 noong panahon na in-adopt ng bansang France ang Gregorian Calendar, isang indikasyon ng pagpapalit ng unang buwan ng taon mula sa katapusan ng buwan ng Marso sa umpisa ng buwan ng Enero. Noon daw, ayon sa mga matatandang folklore, nagsimula lang ang April fool’s day mula sa kalokohan at kaignorantehan ng mga tao. Naging tradisyon na nila ang pagkalat ng kung anu-anong kuwentong barbero at kuwentong kalokohan na siya namang pinaniwalaan ng ibang tao na napakainosente hanggang sa kumalat na rin ang ganitong tradisyon sa iba’t ibang lugar sa mundo at naging taunang kinagawian na.
May mga April Fool’s Day pranks at jokes din ang gumawa ng eksena at nag-iwan ng marka sa kasaysayan dahil sa pagiging memorable nito sa lahat ng tao sa buong mundo.
Nariyan ang isang napakalaking media hoax na inere ng BBC noong April 1, 1957 kung saan kanilang ini-report na may talamak na spaghetti harvest na nagaganap sa Switzerland. Kanila pang ipinanood sa mga tao ang nakuhang video kung saan may isang farmer na nag-aani ng pasta mula sa mga nagtataasang puno. Naging sobrang halos makatotohanan nito hanggang sa maraming manonood ang nagtanong sa BBC kung paano ginagawa ito.
Noong April 1, 1976 naman, isang British astronomer at radio presenter na si Patrick Moore ang nag-report din sa BBC na may kakaibang planet alignment ang Jupiter at Pluto sa kalawakan kaya makararanas ang mga tao ng phenomena na kanilang tinawag na “weightlessness”. Sa oras na 9:47, kanyang inanunsyo sa lahat na magsitalon nang sabay-sabay dahil nga rito mararamdaman ang weightlessness dala ng rare planet alignment. Marami ang sumunod sa kanya hanggang sa puntong may mga tao na nagsasabi na totoo nga at nakaranas sila ng “weightlessness”.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo