BAGAMA’T NAGKAROON ng isyu kamakailan tungkol kay Senate President Juan Ponce Enrile, kilala sa tawag na Manong Johnny, hindi pa rin mapigilan ang pag-arangkada ng pangalan ni Congressman Jack Enrile – anak ni Manong Johnny – sa senatorial survey.
Dito makikita na hindi pa rin natitinag ang labis na pagtitiwala ng nakararami sa apelyidong Enrile at nakikita nila na ang lahat ng mga nangyayari ay kabilang lamang sa tinatawag na intriga sa pulitika na pangkaraniwang nagaganap tuwing sasapit ang eleksyon.
May ilang mga pipitsuging pulitiko ang sadyang nagpapaputok ng isang isyu at nakikipag-away sa mga sikat at beteranong kapwa nilang pulitiko para mabilis na sumikat at mapabilang ang pangalan sa survey nang walang kapagud-pagod.
May ilan naman ang gustong lalo pang pumutok ang kani-lang pangalan kaya nakikisawsaw na rin. Ang puhunan lamang ng mga taong ito para makilala at mapag-usapan ay ang mag-ingay at manggulo.
BAGAMA’T HINDI matatawaran ang naitulong ni Manong Johnny kay Congressman Jack para makilala ng taumbayan dahil sa magandang pangalang naipundar ni Manong Johnny sa lara-ngan ng pulitika sa napakahabang panahon, lingid sa kaalaman ng marami, si Congressman Enrile ay may diskarte at kayang tumayo ng sarili.
Noong mag-uumpisa pa lamang siya sa pulitika halimbawa, at nangangampanya pa lang para maging kongresista maraming taon na ang nakararaan, hindi siya tinulungang ikampanya ng kanyang ama bagama’t binigyan siya ng konting tulong pinansyal.
Naniniwala kasi si Manong Johnny na matatamasa ng mas masarap ang isang tagumpay kung ito’y makakamit sa sariling sikap.
Pero hindi lamang sa kanyang talino – siya’y nakapagtapos ng high school sa Ateneo de Manila University at ng kolehiyo sa Christian Heritage College sa El Cajon, California – at magagandang talumpati, napahanga ni Congressman Enrile ang kanyang mga botante, kundi maging sa paggawa ng kanyang tungkulin.
Si Congressman Jack Enrile ang principal author ng Batas Kasambahay na ngayon ay naipasa nang batas bilang Kasambahay Bill. Siya rin ang author ng panukalang batas na Food for Filipino First, Credit Access and Protection Reform, Anti-Monopoly Bill, atbp.
Ang Kasambahay Bill ay isang batas na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng madalas na naaaping mga pobreng kasambahay. Samantalang ang Food for Filipino First ay panukalang batas na naglalayong mabigyan ng pagkain ang bawat Pilipino.
At ang Credit Access and Protection Reform naman ay panukalang batas na isinusulong ang pagkakaroon ng mababang interest rate sa mga credit card para ito ay maging magaan at abot-kaya ng maraming Pilipino. Binibigyan din nito ng proteksyon ang mga creditor laban sa pang-aabuso ng mga credit card companies.
LINGID SA kaalaman ng marami, sa ilang mga pagkakataon, nagkakasalungat ang mga adbokasiya at pananaw ng mag-amang Enrile. Sa Reproductive Health (RH) Bill halimbawa, si Manong Johnny ay kontra sa RH Bill samantalang si Jack naman ay pabor dito.
Pagdating sa Sin Tax Bill, pabor naman si Jack samantalang kontra naman si Manong Johnny. Dito mapatutunayan na si Jack ay may diskarte at kayang tumayo sa sarili. He doesn’t live in the shadows of his father, ‘ika nga.
Bagama’t may kanya-kanya silang diskarte, hindi pa rin nawawala ang pagrespeto nila sa isa’t isa.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41. Ugaliin ding manood ng T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 p.m. Para sa inyong mga sumbong o reklamo, mag-text sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 o 0949-4616064.
Shooting Range
Raffy Tulfo