May future pa ba sa Saudi?

MATAGAL-TAGAL NA RIN pong nagtatrabaho sa Saudi ang mister ko at wala naman po siyang reklamo sa trabaho o suweldo n’ya. Pero nitong taong ito, naguguluhan po siya sa mga pangyayari roon. Pati na rin po mga kasamahan niya ay kinakabahan. Kasi po ay kabi-kabila ang pag-aalis at pagpapauwi sa mga Pinoy at unti-unti na raw silang pinapalitan ng mga Arabo sa kanilang mga trabaho. Meron daw po kasing bagong patakaran doon na binibigyan ng prayoridad sa trabaho ang mga tagaroon kaysa mga dayuhang manggagawa tulad ng mga Pinoy. Kamakailan ay kinausap po ang asawa ko ng kanyang employer at sinabihang hindi na siya aalisin sa trabaho pero mas mababa na ang tatanggapin niyang suweldo. Natutukso na po ang mister ko na kagatin ang alok kesa naman mawalan siya ng hanapbuhay. Ano po ang dapat nyang gawin?  —Tina ng Masbate

 

TOTOO NA MAY ilang bagong patakaran sa Saudi ngayon. Isa na rito ang tinatawag na Saudization. Ayon sa patakarang ito, unti-unti nang tine-take-over ng mga Saudi national ang mga trabahong dating ginagawa ng mga dayuhan. Inuuna rin nila ang mga kababayan nila sa pagpupuno ng mga job opening. Dahil na rin ito sa tumitinding unemployment problem sa kanilang bansa. At siguro’y ayaw ng Saudi na matulad siya sa nangyari sa Egypt, Syria o Libya na nagrebelde ang mga mamamayan dahil sa problemang pang-ekonomiya.

Kaya marami na rin akong nababalitaang mga OFW na pinauuwi na rito. Pero naniniwala ako na hindi naman lahat ng OFW doon ay tatanggalin nila. Una, hanggang 10% 0 20% lamang ang papalitan dahil iyon lang ang itinakdang ceiling o limitasyon ng Saudization. Pangalawa, hindi lahat ng trabaho ay kayang gampanan ng mga Saudi dahil kulang din naman sila sa kakayahan o skill.

Tungkol naman sa tanong mo kung tama na bawasan ang suweldo ng asawa mo para ma-maintain niya ang kanyang trabaho, ang masasabi ko’y illegal ang pagbabawas na iyon sa suweldo. Contract subsitution ang tawag dyan dahil binabago nila ang kontratang orihinal na pinirmahan ng asawa mo rito at inaprubahan ng POEA.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

Previous articleCelebrities, spotted sa birthday ni Atty. Gigi Berberabe-Martinez!
Next articleT’yo paeng at kalansay sa Princess

No posts to display