Dear Atty. Acosta,
KASAL PO ako ng 10 years pero 4 years lang po kaming nagsama ng aking asawa. Sa loob ng 4 na taong iyon ay hindi pa kami palaging magkasama dahil siya ay isang seaman at laging nasa labas ng bansa. Naghiwalay po kami dahil sa simpleng away lamang at dala na rin ng pakikisawsaw ng ibang tao. Umalis po ako ng bansa noon upang makalimot sa masakit na mga ibinibintang sa akin ng aking asawa. Pagbalik ko rito sa Pilipinas ay nais ko sanang makipag-balikan sa kanya ngunit ayaw na po niya.
Ito po ang aking mga katanungan, may karapatan po ba akong maghabol sa asawa ko kahit wala kaming anak? Gusto ko po kasing maghabol sa kanya bilang isang asawa dahil hindi naman annulled ang aming kasal. P’wede ko po bang kasuhan ang mga taong sumulat sa aking asawa ng mga paninira laban sa akin? Ano po ba ang dapat kong ikaso? Tama po ba ‘yung ginawa niya na putulin ang allotment niya sa akin kasi raw baka gamitin ko lang sa mga kamag-anak ko? Isa pa po, may pinapirmahan sa akin ang aking asawa na nagsasaad na wala na raw akong karapatan sa anumang nabili niyang ari-arian, may bisa po ba iyon? After 7 years po ba ng aming hiwalayan ay p’wede na po bang mag-asawa ang isa sa amin kahit hindi po annulled ang kasal namin?
Anonymous
Dear Anonymous,
SA MATA ng batas, ikaw ay kasal pa rin sa iyong asawa kahit na matagal na kayong hiwalay sa isa’t isa. Dahil dito ang obligasyon ninyo bilang asawa ng bawat isa ay nananatili. Ang mga obligasyong ito ay ang pagsasama ninyo sa iisang bubong, pagbibigay ng pagmamahal, respeto at tiwala sa isa’t isa at ang pagbabahaginan ng tulong o suporta sa bawat isa. (Article 68, Family Code of the Philippines)
Sa ganitong sitwasyon, may karapatan ka pa ring humingi ng suportang pampinansyal sa iyong asawa, lalo na kung hindi naman ikaw ang may dulot ng inyong paghihiwalayan. Ito ay maaari mong hingiin sa kanya at kung hindi niya ito tutuparin, maaari kang dumulog sa korte para rito. Dahil dito, mali ang ginawa ng iyong asawa nang putulin ang iyong “allotment”.
Kaugnay naman sa mga taong sumulat sa iyong asawa upang siraan ka, maaari mo silang kasuhan ng kasong libelo o ang paninirang-puri sa pamamagitan ng pagsusulat. Ang sulat na ipinadala sa iyong asawa upang iparatang sa iyo ang mga bagay na masama at maaaring ikagalit at maging sanhi ng hiwalayan ninyong mag-asawa ay dahilan upang maparusahan ang taong gumawa nito alinsunod sa Artikulo 355 ng Revised Penal Code of the Philippines. (US vs. Ubiñana, 1 Phil. 471, G.R. No. L-927, November 8, 1902)
Patungkol naman sa pinirmahan mong dokumento, ito ay walang-bisa sapagkat tanging ang mga kasunduan lamang patungkol sa ari-arian ng mag-asawa ang kinikilala ng batas kung ito ay naisagawa bago pa man maganap ang kasalan. (Articles 75 and 76, Family Code of the Philippines) Samakatuwid, kung ang kasunduan na may kinalaman sa ari-arian ng mag-asawa ay naganap pagkatapos nilang ikasal ito ay walang-bisa.
Hinggil naman sa huli mong kataungan, ang paghihiwalay ng mag-asawa gaano man ito katagal ay hindi nagiging sanhi upang mawalan ng bisa ang kanilang kasal. Kung kaya, hindi pa rin maaaring magpakasal na muli sa ibang tao ang isa sa kanila, kung hindi pa naipapawalang bisa o napadeklarang walang bisa ang kanilang kasal.
Nawa ay natugunan namin ang iyong mga katanungan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta