May Kabit si Mister

Dear Atty Acosta,

 

MAGANDANG ARAW po sa inyo. Nais ko po sanang ikonsulta sa inyo ang tungkol sa amin ng aking dating asawa. Sa kasalukuyan po, kami ay 2 taon nang hiwalay pero hindi po legal. May kasunduan kami sa barangay na magbibigay po siya ng sustento sa aming anak na sa una po ay sa halagang Php7,000.00 sa isang buwan. Subalit pagkaraan po ng ilang buwan siya po ay hindi tumupad. Inilapit ko po ito sa attorney at sinabi niya roon na hindi raw niya kaya ang ganoong halaga kaya nabago po ito sa Php6,000.00 na lamang. Siya po ay sumasahod nang malaki at ayaw niyang ipakita sa attorney ang pay slip niya. Kami po ay kasal na nang 6 na taon subalit kami ay naghiwalay sa dahilang siya po ay may kabit, pero wala po akong sapat na ebidensya dahil ito po ay itinago niya sa malayong lugar pati na ang kanilang anak at pinaninindigan na wala siyang ginagawa. Nais ko po sanang itanong kung maaari po ba silang kasuhan kapag nakita ko na sila na nagsasama. Ano pong kaso ang puwede kong isampa? Ano po ang puwede kong ikaso sa kanya sa pag-iwan niya sa amin ng anak ko? Maaari ko rin po bang padagdagan ang sustento ng aking anak at maaari rin po ba akong humingi ng sustento sa kanya bilang asawa niya? Saan po akong puwedeng lumapit na ahensiya na tutulong sa akin sa ganitong bagay?

Nawa ay matulungan ninyo ako sa aking problema.

Maraming salamat po.

 

Gumagalang,

Ana

 

Dear Ana,

 

SA ORAS na makakuha ng sapat na ebidensya na may kinakasama nang iba ang iyong asawa sa ibang lugar, maaari mong kasuhan ng Concubinage ang iyong asawa at ang kanyang kinakasamang babae. Ang pakikisama ng iyong asawa sa ibang babae at pagtira nila sa isang lugar ay isang krimeng Concubinage na pinapatawan ng karampatang parusa alinsunod sa Article 334 ng Revised Penal Code. Mahalagang malaman mo na sa kasong Concubinage, kinakailangang ang iyong asawa at ang kinakasama niyang babae ay parehong kakasuhan. Dagdag pa rito, ang kasong Concubinage ay isinasampa sa piskalya ng lugar kung saan nagsasama ang iyong asawa at ang kanyang kinakasama.

Maaari mo ring kasuhan ng paglabag sa Republic Act 9262 (RA 9262) o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” ang iyong asawa dahil sa pakikiapid niya sa ibang babae at sa pag-iwan niya sa inyong mag-ina. Ito ay maituturing na marital infidelity na nabibilang sa psychological violence na pinapatawan ng karampatang parusa ng nasabing batas.

Bilang asawa, maaari kang humingi ng suportang pinansyal mula sa iyong asawa alinsunod sa Article 195 ng ating Family Code kung saan nakasaad na ang mag-asawa ay may obligasyon na magbigay ng suportang pinansyal sa isa’t isa.   Kaugnay nito, maaari kang magsampa ng Action for Support laban sa iyong asawa sa hukuman sa lugar kung saan ka nakatira upang makahingi ng suportang pinansyal para sa iyo at upang makahingi ng karagdagang suportang pinansyal para sa inyong anak.

Ano mang kaso ang nais mong ihain laban sa iyong asawa o sa kinakasama nito at wala kang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang magtungo sa District Office ng aming Tanggapan, Public Attorney’s Office, na kadalasan ay matatagpuan sa city, municipal, o provincial hall o Hall of Justice na nakakasakop sa lugar kung saan nagsasama ang iyong asawa at ang kanyang kinakasama o kaya naman ay kung saan ka nakatira.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleFinals na!
Next articleWalang magawa sa baha!

No posts to display