ANONG TAWAG NINYO sa isang tao na nananakal ng kapwa sa walang kakuwenta-kuwentang bagay? Maaari siyang maitutu-ring na katok. At kung katok din lang ang pag-uusapan, marami niyan si PO2 Rodel Estonactoc.
Noong July 17, nag-deliver ng credit card ang messenger na si Tito Toyongan sa bahay ni Estonactoc. Ang pakay ni Tito ay ang misis ni PO2. Nang makaharap ni Tito si Mrs. Estonactoc, hiningan niya ito ng identification bilang pagsunod sa patakaran ng kanyang opisina.
Wala namang nakitang problema si Mrs. Estonactoc sa kahilingan ni Tito at akma na siyang susundin ito nang biglang sumabat si PO2 at sinabihan si Tito na hindi na dapat hihingan ng I.D. ang misis niya tutal pulis naman siya.
Ipinaliwanag ni Tito kay PO2 na kailangan talaga ang I.D. ng kanyang misis kahit pulis pa siya. Dito biglang inabot ng katok si PO2 Estonactoc. Hiningi niya ang I.D. ni Tito pati na ang telephone number ng kanyang opisina. Bagamat ibinigay niya ang kanyang driver’s license, sa muli nagpaliwanag si Tito at nagsabi siyang kasama pa rin sa kanilang company policy ang hindi pagbigay ng telephone number ng kanilang kumpanya. At kung may problema, maaari siyang tumawag na lamang sa bangko na nag-issue ng credit card.
Sa puntong iyon, lalong lumala ang katok ni PO2 Estonactoc at sinakal niya si Tito. Dahil doon, napilitan si Tito na ibigay ang kanyang company I.D. pati na ang telephone number na nakasulat sa likod nito.
Nang makapiglas si Tito, tumakbo ito patakas sa bahay ng mga Estonactoc. Pero naharang siya ni PO2 bago pa man siya makarating sa kanyang motorsiklo. Inagaw ni Estonactoc ang helmet ni Tito pati na ang susi ng kanyang motor. Doon nakatiyempo si Tito na tuluyan nang makatakas sa bakuran ng mga Estonactoc.
Tiyempo namang may dumaan na mobile car at humingi si Tito ng saklolo rito. Sa tulong ng mga pulis na sakay ng mobile, nabawi ni Tito ang kanyang mga I.D., helmet at susi ng motor kay Estonactoc.
Nang makausap ng WANTED SA RADYO (WSR) si Estonactoc, itinanggi niya ang pananakal kay Tito. Sinabi pa ni Estonactoc na kaya raw niya hinihingi ang I.D. ni Tito sapagkat arogante raw ito at gusto niyang isumbong sa opisina para mabigyan daw ng leksiyon.
Sa ginawang pag-iimbestiga ng WSR kay Tito sa kanyang opisina, napag-alaman naming wala itong bad record. Pero napag-alaman ng WSR mula sa da-ting among PNP official ni Estonactoc kung saan nanilbihan siya noon dito bilang driver na gago raw talaga si Estonactoc at totoong ito raw ay may katok.
Ang kaso ni Tito ay halos walang ipinag-iba sa kaso ni Ignacio Medallo, Jr. na dumulog din sa WSR noong nakaraang linggo. Pinagtanungan si Ignacio ng mga pulis. Nang sumagot siya sa tanong ng mga pulis na may kasamang salitang ‘pare’, nagalit ang nasabing mga pulis at pinosasan siya, kinalaboso na kasama ang kanyang misis, at minaltrato. Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa tinawag niya ang mga pulis nang ‘pare’ sa halip na ‘Sir’.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong sumbong mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo