ANO ITONG NABALITAAN naming pinulong na raw ng ABS-CBN ang ilang advertisers para sa concerns ng mga ito sa programang Wowowee? May kumakalat na chikang magkakaroon ng nakayayanig na mga pagbabago sa show kung saan main host si Willie Revillame at dapat na malaman agad ito ng matitinding advertisers na sumusuporta sa programa.
Kami ay nababahala noon pa sa kakaibang attitude ni Willie bilang host. Sinasabi niyang pinangangalagaan niya ang show kaya masyado siyang kritikal sa maraming kapalpakan sa show, na kung tutuusin, puwede namang palagpasin habang on air ang show at hindi ‘yung parang nagsesermon siya sa staff at iba pang may kinalaman sa produksiyon.
Isa pang hindi na namin na-take kaya nag-decide kaming huwag nang magpatuloy manood ng show ay ‘yun ngang sa pagta-tantrums niya, naghamon siyang magwo-walk out siya. Isang studio participant ang nag-comment on mic na, “Kung aalis ka, tapusin mo na muna sana ang show!”
Oo nga naman. Idinaan na lang ni Willie sa patawa, pero kung he knows how to read between the lines, nakasusuya na rin ang ganitong kostumbre niya na sa gitna ng pagsasaya sa Wowowee, humihirit siya ng kanyang tantrums at mga reklamo.
As a regular televiewer na kahit paano, nakukuhang mag-enjoy sa show, nag-decide na kaming huwag panoorin ang programa kahit mami-miss namin ang paborito naming si Pokwang. We might as well watch Pokie sa ibang shows niya sa ABS-CBN kaysa manood ng Wowowee na nagiging showcase na lang ng hinampo at kung anu-anong reklamo ni Willie, na ewan kung bakit hindi ito ma-settle nang sila-sila lang sa production meetings at hindi ‘yung nadadamay pati ang televiewers na wala namang pakialam sa kanilang mga kaletsehan at kapalpakan sa shows, na dahil din naman kay Willie kaya nagiging obvious.
Hindi kami nagtataka kung bakit mas malakas na ang pre-programming ng Wowowee, ang Showtime, na talagang damang-dama ang taas ng ratings dahil nagiging talk of the town ito sa kasiyahan. Very positive ang dating ng show at wala itong hosts na gumagawa ng kung anu-anong eksena para lang mapansin, kung hindi ‘yung magbigay lang ng kasiyahan sa mga manonood.
At saka ang napapansin namin, they try to come up with different gimmicks each week. Hindi man ito ‘yung klase ng show na halos namimigay na lang ng limpak-limpak na salapi. Obviously, pinapanood ito ng marami dahil nakaka-enjoy namang talaga, and you can really start the day right by watching it regularly.
Not for anything else, pero nagsusulat kami ng positibo about Showtime dahil sa loob ng dalawang buwan pa lamang na sinusubaybayan namin ito, minahal na namin ang show. At hindi kami magtataka, isang araw, sa lakas ng Showtime, baka mag-reformat ang Wowowee, o tuluyan na itong ma-dissolve at mas palakasin pa sa slot na ‘yun ang Showtime.
Aba, eh, mas nakatutuwa namang panoorin si Vhong Navarro na super-talented, huh! May kanya-kanyang segment ang hosts dito at hindi kailangang mag-agawan ng eksena. Binibigyan silang lahat ng time to shine, at hindi ‘yung paulit-ulit na lang na ‘yun at ‘yun ang ipinapakita nila, o paulit-ulit ang pagkantang ginagawa na ‘yun at ‘yun din lang ang kinakanta, eh, mabuti sana kung nakaeengganyo ang boses at talent, eh, hindi naman.
Sa totoo lang, we have the nerve to write about Wowowee, hindi lang dahil sa nagnenega kami, o pineperahan kami ng kalabang show nito. Pero, kami mismo ang nakaka-experience na sa araw-araw, gaano man kami ka-busy, we make it a point na silipin ang show na ito. Pero dahil sa mga pangyayaring nakasusuka na, mainly because of Willie Revillame’s tantrums, caprices and unnecessary voicing out his demands on air, nag-give up na kami. At kung hindi man, Eat… Bulaga! uli ang panoorin namin, maaga na lang kaming umaalis ng bahay para mag-deadline.
Next time na maghamon siya ng walk out, wala nang tse-tse-buretse. Gawin na niya, kung talagang suyang-suya na rin siya. Sa totoo lang, pinagtitiyagaan siya ng iba riyan dahil ang show ay totoo namang namimigay ng pera. Tanggalin nila ang factor na ‘yan at ewan kung may magtiyaga pa riyan, at sambahin pa si Willie, kung hindi na nagbibigay ng ganoon kalaking pera ang Wowowee sa mga masang nagdarahop.
Calm Ever
Archie de Calma