AKO PO AY pabalik-balik na sa abroad. Kamakailan lamang ay umuwi na ako sa Pilipinas. At mukhang hindi na po ako magtatrabaho sa ibang bansa dahil kahit papaano’y nakaipon na ako nang kaunti. Wala po bang programa ang gobyerno para sa mga kamukha ko na nagbalikan na rito? Ang habol po namin ay hindi lang kami matulungan ng gobyerno kundi kung paano pa kami makakatulong sa pag-ahon ng ating bansa. – Lavern of Digos City
NAPAKAGANDA NG INYONG intensyon. Tunay na kayo ang mga bagong bayani ng bansa.
Para sa mga kasalukuyan at dating OFW, nais kong ipaalam sa iyo na ang OWWA ay may Reintegration Program para sa inyo. Ang mga detalye nito ay natalakay ko na sa mga nakaraan kong kolum.
Para rin sa iyong kaalaman, ang pamahalaan ay nagtayo rin ng Re-Placement and Monitoring Center o RPM. Ito ay itinatadhana ng batas para mabilis na muling makaugnay ng mga balikbayan ang lipunan at para mapadali ang inyong pagsali sa local job market.
Kasama sa programa ng RPM ang pagpapaunlad sa mga proyektong pangkabuhayan para sa mga balikbayan at may kooperasyon sa mga lokal na pribadong sektor.
Tungkulin din nito kung paanong ang mga kahusayan at skills na natutunan ng mga OFW sa ibang bansa ay mapapakinabangan sa Pilipinas. Kaugnay nito, nagtayo ang pamahalaan ng computer-based information system para mairekord ang iba’t ibang kasanayan sa labor pool para matunghayan ng mga potential employers.
Bahagi rin ng programa na magbigay ng pag-aaral at training sa mga balikbayan.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo