SIGURADONG MARAMING naghihintay ng sagot sa katanungang ito. Mayroon nga kayang rematch? Pero mayroong mas mahalang rematch na magaganap na may kinalaman sa ating bansa at pagka-Pilipino. Ito ang rematch ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso at Senado. Kung noon ay tila unanimous din ang desisyon ng kapulungang Kongreso at Senado sa isyu ng hindi pagpasa sa BBL, ngayon ay baka maiba na ang ihip ng hangin.
Naghihintay ng magandang rematch ang MILF sa mababa at mataas na kapulungan ng lehislatibong sangay ng gobyerno dahil sa pagkakapatay diumano ng grupo ng MILF sa pangalawang teroristang pinaghahanap ng Arm Forces of the Philippines at Amerika, na si Basit Usman. Umaasa ang MILF na maibabalik na ang tiwala ng mga mambabatas sa kanila na tila nawala dahil sa naganap na madugong bakbakan sa Mamasapano.
Sa pagkakataong ito ay masasabi na ng tagapagsalita ng MILF na hindi totoo ang mga paratang noon ng ilang senador at kongresita na sila ay nagkakanlong ng mga terorista gaya nina Basit Usman at Marwan. Bilang patunay ay sila mismo ang naghanap at pumatay kay Usman upang ipakita ang pagiging sinsero nila sa pakikiisa sa pamahalaan laban sa terorismo.
TIYAK NA inaasahan din ni Pangulong Noynoy Aquino ang magandang rematch ng laban niya sa survey ng kanyang popularity at performance rating. Nitong mga nakaraang survey ratings kasi ay laging bagsak at talunan ang pangulo kumpara sa mga nauna niyang ratings noong bago pa lang siya sa puwesto. Kapansin-pansin din ang pagbulusok ng kanyang ratings mula sa mataas na antas pababa.
Ngayon, pagkatapos ng matagumpay na pagpapatigil sa pagbitay kay Mary Jane Veloso ng bansang Indonesia, kung saan ay naging tampok ang last minute no surrender philosophy ni PNoy sa paghingi ng pagkakataon sa pangulo ng Indonesia para maisalba ang buhay ni Mary Jane, mukhang gaganda ang rematch ni PNoy sa bagong survey na gagawin.
Idagdag pa ang pagkakapatay kay Basit Usman, na isa sa mga most wanted terrorist sa buong mundo, siguradong pogi points ito para kay Pangulong Aquino. Sa dalawang positibong balitang ito ay malamang na mahatak pataas muli ang ratings ni PNoy. Siyempre, kasabay nito ay ang posibilidad na paglakas din ng kanyang endorsement power.
ANG MAGAGANDANG balita ngayon sa ating bansa ay magandang balita rin para kay DILG Secretary Mar Roxas. Kung magpapatuloy na bumango ang kasalukuyang pamahalaan ay tiyak na lalakas ang tiyansa ni Roxas sa pagkapangulo. Ibig sabihin ay magandang “rematch” ito sa kanya para sa naunsyaming pangarap niya na maging pangulo ng bansa.
Maaaring rematch din niya ito sa puwestong pangalawang pangulo, kung gugustuhin niyang tumakbo ulit sa puwestong VP, katambal ang mas malakas na partner gaya nila Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero. Sa pagkakataong ito ay mukhang mas malaki ang tiyansa niyang manalo dahil kayang-kaya niya ang mga makakalaban dito.
ANG LAHAT ng second chance o rematch ay isang oportunidad na dapat pahalagahan. Ngunit, hindi rin lahat ay nagtatagumpay sa isang rematch. Maaaring mabuti ang rematch para sa Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, dahil kitang-kita naman kung paano tila nadaya si Pacman. Sa dami na lang ng pinakawalan at tumamang suntok ni Manny kay Mayweather ay hindi maikakailang si Pacman ang nanalo sa laban. Maging ang mga malalaking tao ay nagsasabing hindi dapat si Mayweather ang itinanghal na nanalo.
Kung nagawa ni Manny na pahirapan si Mayweather at talunin, kung naging patas lang sana ang mga hurado, sa kabila ng iniindang shoulder injury, mas tiyak na kayang-kayang pabagsakin ni Manny si Floyd sa isang rematch. Kung matutuloy ito ay isang katanungang mahirap sagutin ngayon.
Kung ang rematch naman ng BBL ang tatanungin, tiyak na may bigat ang pagkakapatay ng MILF kay Basit Usman. Masasabi sigurong makahahatak ito ng boto ay paniniwala mula sa ilang mga mambabatas.
Kung ang rematch naman ni PNoy at Mar Roxas ang tatanungin hinggil sa kani-kanilang mga survey, tila may pag-asang naghihintay rin para sa kanilang mataas na survey, lalo’t papalapit na ang eleksiyon sa susunod na taon. Konting ingat pa at sigasig ay tiyak na babango pa ang administrasyong Aquino sa publiko, at kasabay nito ay ang pagganda ng pag-asa ni Roxas na maging pangulo ng bansa.
MARAMING “REMATCH” sa ating buhay. Maraming “second chances”. Ang pinakamahalaga ay sa darating na rematch at second chance, dapat ay alam natin kung saan tayo nagkukulang at kung ano ang pagbabago at adjustment na dapat natin gawin para magtagumpay sa rematch na ito. Kung gagawin lang natin ang dati nating istratehiya sa buhay ay tiyak na matatalo tayo sa rematch na ito. Isipin din natin na ang eleksyon sa susunod na taon ay isang malaking rematch din sa pagitan ng sambayanang Pilipino at mga kandidatong naghahangad ng posisyon sa gobyerno.
Talunan tayo sa huling laban natin sa pagpili ng pangulo sa katauhan ni PNoy. Ngayon ay baguhin natin ang lumang paraan ng pagpili ng pangulo para matiyak ang ating tagumpay sa pagkakataong ito.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo