STARBUCKS CORPORATION na nga ang pinakamalaki at pinakasikat na coffee shop sa buong mundo. Sa dami ba naman ng stores nila sa maraming bansa. Sa Pilipinas pa nga lang, may 206 na Starbucks na. Kaya hindi maitatanggi na ang mga Pinoy nahumaling na sa nakagigising na amoy ng Starbucks! Ito yata ang coffee shop na hindi mauubusan ng customers.
May apat na klase ng taong nagtutungo sa Starbucks. Ang una ay ang mga sosyalera at rich kid na barya lang sa kanila ang presyo ng frappucino, espresso, tea, doughnut, cakes at kung anu-ano pa na mayroon ang Starbucks. Sila iyong mga taong ginagawang meeting place ang Starbucks para kitain ang kaibigan o kaya ang mga kliyente nila. Sosyal, ‘di ba?
Ang pangalawang klase naman ng tao ay ang kabaliktaran ng una. Sila ‘yung mga taong hindi gaanong dumarayo sa Starbucks pero kapag may budget, naku dali-dali silang nagpupunta roon at kapag naroon na sila, limang oras ang ilalagi nila sa loob dahil sa walang tigil na selfie shots kasama ang inorder nila. Medyo pa-cool.
Ang pangatlong klase naman ay tiyak ikagi- guilty ng karamihan sa atin! Sila ‘yung mga taong ginagawang three-in-one ang Starbucks! Cafeteria, internet shop at library in one! Halos magdamag namamalagi ang mga taong ito sa Starbucks. Para sa kanila, Starbucks ang pinakakomportableng lugar para mag-aral. Malalaman mo naman agad kung sino sila. Paano ba naman, sakop ang buong table ng mga libro-libro nila at mga iba’t ibang kulay na highlighters. Hindi ‘yan aalis hangga’t hindi natatapos ang inaaral. Puwede na ngang sila ang magsara ng Starbucks.
At ang pang-apat naman ay ‘yung mga taong kapag nagtungo sa Starbucks, magiging pamilyar ka sa kanila. Sila ‘yung mga pupunta ng Starbucks sa umaga, sa hapon at sa gabi. Kung minsan mag-isa lang siya at kung minsan din naman bitbit ang mga kaibigan niya. Sino sila? Sila ‘yung mga taong adik sa Starbucks planner na handang makompleto ang 17 stickers para makuha ang planner na inaasam-asam nila.
Sa apat na klase ng taong nagtutungo sa Starbucks, sino ka sa kanila? Gusto mo bang maging “in” pero wala ka sa apat na nabanggit? Hindi problema ‘yan. Tara, dagdagan natin ng panglimang klase ng taong nagpupunta ng Starbucks.
Sila ay ang mga tsismosa at tsismoso. Bakit? Sila ‘yung mga taong nakaaalam ng sikretong malupit ng Starbucks! Ang Frappuccino Secret Menu! Hindi lahat alam ito, maging ang mga barista nga sa Starbucks hindi nila alam. Kinakailangan mo pang magkaroon ng kopya ng ingredients at ibigay sa barista para magawa nila ang Starbucks drink mo na akala mo sa panaginip lang magkakaroon. Paano ba naman, ang mga nakatala sa secret menu na ito ay ang mga Frappuccino na aabuso sa sweet tooth mo tulad ng Chocolate Covered Banana Frap, Smores Frap, Nutella Frap, Ferrero Rocher Frap, Black Velvet Frap, Red Velvet Frap, Snickers Frap, Mint Green Chocolate Frap at marami pang iba! Kaya kung hindi mo pa natitikman ang iilan sa Secret Menu ng Starbucks, mag-ipon na at siguraduhing i-Google na ang 35 Starbucks Frappuccino secret menu!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo