MEDYO INAALAT yata tayong mga Pinoy dahil sa sunud-sunod na dagok ng mga problema sa administrasyong Aquino. Ang multo ng madugong 2010 Manila hostage killing sa Luneta na kung saan maraming mga Hong Kong Chinese national ang namatay ay patuloy na nagbibigay sa atin ng takot at pangamba.
Sa botong 41-3, pinaboran ng mga mambabatas ng Hong Kong ang pagbawi sa “visa-free” access ng mga Pinoy na gustong pumunta ng Hong Kong. Ang pagbawi ng pribilehiyong ito ay bunga ng pagpapataw ng sanctions o parusa sa Pilipinas ng gobyerno ng Hong Kong.
Kasama rin sa mga sanction na ito ang pag-withdraw sa panukalang batas na nagtatanggal sana ng restrictions para sa mga Filipino domestic helper sa Hong Kong.
Ang mga sanction na ito ay inilabas matapos ang babala ni Hong Kong Chief Executive Leung Chun-ying nitong nakaraang mga araw lamang. Mukhang ikinadidismaya ng gobyerno ng Hong Kong ang kawalan ng aksyon ng pamahalaang Aquino sa mga naging pangyayari.
ANO BANG gustong gawin ng ating pamahalaan sa isyu na ito? Napakatagal nang panahon ang ginugol sa paghahanap ng tinatawag nilang “mutually satisfaction conclusions”. Ang kalakaran sa Hong Kong sa kahit na anong bagay ay mabilis. Dito lang sa ating bansa talaga mabagal ang lahat ng transaksyones sa gobyerno. Tatlong taon na ang problemang ito ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na aksyon ang ating pamahalaan.
Dahil sa pinatagal nila nang pinatagal ito, ngayon ay nahaharap na naman tayo sa dagdag-problema at pasakit para sa ating mga kababayan. Kung noong ay madali tayong makapupunta sa Hong Kong basta may pera tayo, ngayon ay maaaring mas mahaba ang proseso dahil sa pagkuha ng visa at tiyak na dagdag-abala ito para sa lahat.
Pati ang mga kababayan nating OFW sa Hong Kong ay tiyak na apektado sa mga bagong panukalang batas na ito. Dapat sisihin dito ang palpak na mga tao ng gobyerno na itinalaga para tutukan ang problemang ito. Mukhang nagsitulog lang sa pansitan ang mga ito habang sumusuweldo at pagkatapos lumipas ang tatlong taon ay walang nangyari sa trabaho nila.
Sa tingin ko ay dapat na pagsisibakin na ni PNoy sa trabaho ang mga taong ito. Dahil sa kanila ay umabot sa ganito ang relasyon natin sa gobyerno ng Hong Kong. Puro satsat at pangako lang ang mga sinasabi nila na ginagawa nila ang lahat para mapabuti ang sitwasyon at para sa kapakanan daw ng ating mga kababayan lalo na sa Hong Kong.
Anong pang kapakanan ang inaalagaan nila ngayong pinatawan na tayo ng sanction? Ang panukalang batas sa Hong Kong hinggil sa pagtanggal sa mga “restrictions” sa mga Pinay na domestic helpers doon ay binawi na rin. Mas mahirap na ang pumunta sa Hong Kong dahil sa may visa nang kailangan dahil binawi na rin ang visa-free access ng mga Pinoy roon.
MALINAW NAMAN na palpak ang naging trabaho ng gobyerno sa 2010 Manila hostage killing. Kailangan ang mabilis na aksyon dito para umusad na tayo. Huwag na nating ipilit pa ang trabahong ‘yan sa mga taong walang kakayahan at inutil.
Dapat ding marami tayong mapulot na aral sa problemang ito. Hindi natin dapat kalimutan ang kuwento ni Rolando Mendoza na siyang nagsimula ng trahedya. Ang kawalan ng matinong pamamalakad sa mga sangay ng pamahalaan nag-uugat ang mga ganitong problema na lumilikha ng mas malalim na sugat sa atin.
Ang hindi makatarungang pamahalaan ay siyang nagtutulak sa mamamayan para maging hindi makatarungan!
Shooting Range
Raffy Tulfo