ANG PAMAGAT na “Maybe This Time” ng artikulong ito ay hindi tumutukoy sa kasalukuyang pelikulang Tagalog na patok umano ngayon sa takilya. Ang “Maybe This Time” na gustong puntuhin ng artikulong ito ay ang nangangamoy na nilulutong isang bagong “presidentiable” sa darating na 2016 Presidential Elections!
Kalat at pinag-uusapan ngayon sa iba’tibang social media networks ang pagbibitiw ni Senator Miriam Defensor-Santiago sa kanyang puwesto bilang judge sa International Criminal Court (ICC). Noong 2011 pa nahalal si Santiago bilang isa sa mga judges ng ICC ngunit ipinagpaliban niya ang pag-upo rito dahil sa pagsabog ng tinaguriang “pork barrel scam”.
Ngayon ay sa dahilang pangkalusugan daw, kaya’t nagbibitiw siya sa puwestong ito. Nakahihinayang at hindi pa man siya nakauupo ay nagbitiw na siya sa isang prestihiyosong posisyon na ito. May mas malaking puwestong naghihintay kaya sa kanya? Kaya naman ay matunog din ang usapin na baka pinag-iisipan ng senadora ang pagtakbo sa darating na halalan.
KUNG BAGA ay kung hindi man siya pinalad na makuha ang pinakamataas na posisyon noon at ang paniwala pa ng marami ay dinaya lamang ang senadora, baka ngayon, sa pagkakataong ito ay masungkit na niya ang pagiging Pangulo sa 2016. ‘Ika nga ay… “maybe this time!”
Sa tingin ko ay may nararamdamang puwersa itong si Santiago na magluluklok sa kanya sa pagkapangulo sa 2016. Ang mga pasaring niya nitong mga nakaraang linggo na baka tumakbo na lang siya sa pagkapangulo, bunsod ng hindi sadya at maling pagkakadawit niya sa isyung “pork barrel scam”, ay may mas malalim na kahulugan bukod sa pabirong pagkakabanggit niya rito. Sabi nga nila ay… “jokes are half meant.”
Madalas din ang ginagawang pag-iikot ni Santiago sa iba’tibang lugar gaya sa mga pagpupulong sa iba’tibang akademikong kumperensya, speaker sa graduation ng ilang mga kolehiyo at unibersidad. Dito ay laging patok ang mga hirit niyang “pick-up lines” lalo na sa mga estudyante at young professionals.
Kaya naman hindi kataka-taka na malaki ang suportang makukuha niya mula sa sektor ng mga mag-aaral, kababaihan at young professionals. Ang pagsasabi raw ng isang epektibong punch line sa mga pick-up jokes ay dapat nasa magandang timing. Mukhang timing na timing din naman ang pagpaparamdam na ito ng senadora. Ngunit sana lang ay hindi mauwi sa isang “joke” ang lahat.
SA TOTOO lang, ang pangatlong pagkakataong baka magkaroon tayo ng isa na namangbabaeng pangulo ay makabubuti kaya para sa ating bansa? Sabi nga ng marami ay iba raw ang karisma ng isang babae o ina ng tahanan sa pagpapatakbo ng bansa bilang mas malaking tahanan para sa lahat ng Pilipino.
Puso raw ang mas umiiral at mas nauunawaan ng isang ina ang hirap ng kanyang mga anak. Ang puso ng isang ina ayon sa mga sociologist ay laging handang magpakasakit para sa mga anak nito. Ito ang siyang bentahe ng isang babaeng politikong kandidato.
“Maybe this time” nga kaya ay isang babaeng presidente na mas angkop ang pagkatao at kakayahan ang makapag-aahon sa atin mula sa kahirapan? Ang puna kasi ng marami sa unang babaeng naging pangulo ng Pilipinas ay ang kakulangan nito sa kakayahan at talinong maging presidente. Si Cory Aquino raw ay walang kasanayan at hindi naihanda sa pulitika, lalo na sa puwestong pagkapangulo ng bansa. “House wife” material lamang ang mapanglait na komento noon ng mga nasa kabilang bakod ng politika.
Ang sumunod na babaeng pangulo naman ay may kasanayan nga at talino sa pagpapatakbo ng bansa, ngunit wala namang integridad. Mahusay nga raw si former President Gloria Macapagal-Arroyo na economic manager, ngunit mahusay ring magnakaw at walang prinsipyo ng katarungan at katapatan.
Nangangahulugang hindi nagtugma ang kagalingan bilang lider, katalinuhan sa pagpapasya, katapatan sa posisyon at integridad sa dalawang babaeng naging pangulo natin. Kaya maaaring ang tingin ng marami ay “maybe this time”… ang mga katangiang ito ay napapasakamay umano ni Santiago.
KULANG NA sa dalawang taon ay pipili na naman tayo ng bagong pangulo. Si Vice President Jejomar Binay ang isa sa mga kakandidato sa pagkapangulo. Mapagkakatiwalaan ba siya? Ang pangako nga kaya niyang gagawing kasing unlad ng Makati ang Pilipinas ay matutupad? Baka naman isang pangakong mapapako lang ito gaya ng isang tuwid na daan na magpasahanggang ngayon ay nababalot pa rin ng kadiliman ng korapsyon, kaya hindi natin makita ang daang matuwid?
Matutuloy na rin kaya sa wakas ang pangarap ni Mar Roxas na muling buhayin ang pangalang Roxas sa pagkapangulo, pagkatapos ng maraming taon mula nang mailuklok noong 1946 ang unang presidente ng Republika ng Pilipinas pagkatapos ng “American Colonial Period”?
Baka naman talagang nasa kapalaran ng ating bansa ang magkaroon ng isa na namang babaeng pangulo. Sa itinatakbo ng pulitika sa bansa natin ngayon ay hindi malayong manguna si Santiago sa mga surveys na gagawin ilang linggo matapos ang isyung ito. Kung direktang kukumpirmahin niya ang balak na pagtakbo sa 2016, hindi malayong mas tataas pa ang rating niya kumpara sa mga kilalang presidentiables, dahil umaalingasaw ang mga baho at kabi-kabila ang tapunan ng putik sa dalawang matunog na kandidatong lalaki.
SiSantiago na nga kaya ang susunod na pangulo? Kung nasulot nga raw ang pagkapangulo niya noon… “maybe this time”…dasal niya ay huwag sana.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood din ang inyong lingkod sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At tuwing Sabado sa Aksyon Weekend news sa TV5, 4:45 pm.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo