SA IKA-10 ng Mayo, atin nang ipagdiriwang ang Araw ng Mga Nanay. Mga bagets, may naisip na ba kayong sorpresa o regalo para sa pinakaespesyal na babae sa buhay n’yo? Tutulungan ko kayo riyan. Pero bago ‘yan, paano nga ba nagsimula ang Mother’s Day?
Ang Araw ng Inay ay isang pagkilala sa bawat ina sa mundo para sa kanilang wagas na pagmamahal, pag-aalaga at pagsasakripisyo sa kanilang pamilya. Bawat bansa, may kanya-kanyang bersyon ng pagdiwang ng Mother’s Day. Hindi rin uniporme ang araw. Halimbawa na lang, dito sa Pilipinas at karamihan ng ibang bansa, idinaraos ang Mother’s Day kada ikalawang Linggo ng Mayo. Sa bansang Amerika nagsimula ang Mother’s Day noong 20th century.
Kung nag-iisip kayo ng magandang regalo para sa inyong minamahal na mga ina. Ito lang ang sasabihin ko sa inyo, hangga’t maaari huwag lang kayong bibili. Bakit hindi kayo mismo gumawa ng ibibigay niyo? Personalized, ‘ika nga, para mas ispesyal.
- Thousand Origami Cranes
Ang origami cranes ay nagmula sa bansa ng Japan. Simple lang ito, gagawa ka ng maliliit na origami cranes at kapag umabot ka na sa ika-isang libo mong origami crane, ikaw ay gumawa ng isang kahilingan para sa aalayan mo nito. Kadalasan magandang kalusugan, mahabang buhay, matagumpay na kabuhayan ang hinihiling ng mga gumagawa nito.
- Nanay Gift Certificates
Ang personalized gift certificates ay katulad lamang ng mga karaniwang ginagamit o nakikita n’yo. Ang kinaibahan lang nito ay personalized ito, kumbaga ikaw mismo gagawa ng gift certificate. Paano ito? Simple lang. Gayahin ang format ng isang GC, mag-isip ng kakaibang premyo na nilalaman ng GC na ito. Puwedeng isang oras na masahe sa katawan, taga-luto ng isang araw, personal alalay ng dalawang araw, libreng pizza, libreng tsokolate, at kung anu-ano pang pakulo na maiisip mo. Bawat premyo ay may nakatakdang araw kung kailan ito puwedeng gamitin. Para mas ispesyal, gawing valid ang Nanay Gift Certificate mo nang isang buong taon.
- Autographed Family Picture
Simple lang gawin ang regalong ito. Magkolekta ka ng mga litrato na nagtatampok ng magagandamg memorya ninyo bilang isang pamilya. Gawan ng maikling deskripsyon ang bawat larawan. Mag-iwan din ng malaking espasyo para sa mga autograph n’yong mag-anak. Dito, ang bawat isa sa inyo ay magsulat ng maiikling dedikasyon para sa inyong ina.
- Love letter
Ito na nga siguro ang pinakaespesyal na regalo na puwedeng matanggap ng inyong ina: ang sulat na mula sa puso ng kanilang anak. Hindi lang nagsasabi ‘yang mga nanay n’yo, pero naiinggit ‘yan sa mga crush at kasintahan n’yo na ginagawan n’yo ng love letter. Paano ba naman, buti pa sila, ginagawan n’yo ng love letter. Kaya sa pagkakataong ito, bumawi kayo. Gawan n’yo ng sulat ang inyong mga ina. Isapuso ang bawat salita na isusulat. Alalahanin lahat ng kanilang sakripisyo para sa inyo. Magpasalamat para sa pagmamahal at pag-aaruga na kanilang ibinibigay sa inyo 24/7. Ipaalala n’yo sa kanila kung gaano n’yo siya kamahal. Ipakita n’yo kung gaano kayo kasuwerte at kagalak dahil siya ang iyong naging ina.
Madali lang gawin ang mga ‘yan lalo na kung galing sa puso. Tandaan, pagkabigay ng regalo, samahan ito ng matamis na yakap at halik.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo