HINDI MALAMAN ng mga residente ng Imus,Cavite kung swerte ba o kamalasang maituturing ang pagkakaroon nila ng dalawang mayor.
Ang sitwasyon: Proklamadong panalo noong 2010 bilang Imus Mayor si Homer Saquilayan kontra sa noon ay incumbent Mayor Emmanuel “Manny” Maliksi.
Habang nakaupong alkalde ng Imus si Saquilayan, nagprotesta naman sa Regional Trial Court (RTC) ang natalong si Maliksi. Ayon sa kampo ng Saquilayan, nagkaroon umano ng “lagayan” sa RTC kaya dagliang pina-buran ng korte ang protesta ni Maliksi sa pamamagitan ng isang desisyon na ito umano ang talagang nanalo.
Noon ngang Enero 2012, kahit may isinampang petition sa Commission on Elections (Comelec) si Saquilayan, ay bumaba na ito sa puwesto upang bigyang-daan o sumunod sa utos ng korte, dahilan para makapuwesto bilang Imus Mayor si Manny Maliksi.
Ang siste, parekoy, kamakailan lang ay naglabas ng utos ang Comelec na pinawawalang-bisa ang kautusan ng RTC, at sa halip ay idineklarang si Homer Saquilayan nga ang tunay na nanalo at/o lehitimong alkalde ng Imus.
Kung tutuusin, sa usapin ng election ay ang Comelec naman talaga ang pinaka-awtoridad at nararapat sundin. Pero sa halip na bumaba sa puwesto, ang ginawa ni Maliksi ay “kapit-tuko” sa puwesto sa katuwirang may isinampa naman silang mosyon sa Comelec En Banc.
Bakit kaya hindi kayang gawin ni Maliksi ang ginawa ni Saquilayan noon lamang Enero, na kahit siya ay may petition sa Comelec ay bumaba na ito sa puwesto upang manatiling payapa ang mga taga-Imus? Alang-alang sa tuloy-tuloy na serbisyo publiko!
Sabagay, may nagsasabi, parekoy na masuwerte nga raw ang Imus dahil dalawa ang mayor. He, he, he. Para kung magnanakaw ang isa ay may isa pa. Kung ‘sanlibo’t ‘sang gago, ‘ika nga, ang isang mayor ay may reserba pa.
Mabuti na lamang, parekoy, kung magkagayon. Paano kung parehong gago’t kawatan? Eh ‘di, dobleng kamalasan! Hak, hak, hak! Suwerte naman nila kung parehong matino!
Pero may solusyon naman siguro sa problemang ‘yan. Si Homer Saquilayan ang kilalaning Mayor ng Imus. At si Manny Maliksi naman ang ituring na Alkalde! Oh, ‘di ba, lutas na ang problema?
Sandali, parekoy, lalo yatang gumulo! Bwar, har, har!
Kung bakit kasi ayaw pang magbigayan! Kaya tuloy napaghahalata talaga kung sino ang gahaman!
Kung tutuusin, pinagbigyan na si Manny Maliksi noong may utos ang RTC. Kaya ngayong may utos naman ang Comelec ay nararapat lamang na medyo magbalot-balot na si Manny.
Ngayon, kung sakaling makakuha naman siya ng utos “with finality” mula sa Comelec En Banc, eh ‘di siya naman ulit ang uupo d’yan sa bwisit na magulong Mayor’s Office ng Imus.
‘Yun nga lang, parekoy, baka after 2012 elections na lalabas ‘yun! Hak, hak, hak!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME 1530 kHz, AM band, alas 6-7 ng umaga, Lunes-Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction, ipaabot lang sa [email protected] o CP nos. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303