Mayor Erap

‘DI KO hangad ang titulo. Mithi ko’y maglingkod. Walang paliguy-ligoy na sa-got ni dating Pangulong Erap sa parang ipo-ipong umiikot na tanong: Naging pangulo na kayo. Ano pang nais ninyo?

Habang nagkakape kami ‘sang hapon sa Polks residence naganap ang aming pag-uusap. Pinatawag niya ako. Sa 75-anyos na edad, malusog at matikas pa siya. Sikreto? Peace of mind. Wala na akong unnecessary baggages. Pinatawad ko na’ng lahat ng nagkasala sa akin. Maligaya ako araw-araw. Lalo na kung ang nalalabing taon sa buhay ko’y magugugol pa sa paglilingkod.

Lumagok pa ako ng kape habang pinagmamasdan ko ang liyab sa kanyang mata. Matagal na ‘kong kaibigan ni Erap. Kung mayroong makatatarok sa kanyang damdamin at pag-iisip, wari ko’y isa na ako. Napakahaba’t napakalawak ng aming pinagsamahan. Kilos pa lang ng kanyang bigote at kilay, alam ko na ang nasa loob niya.

Patuloy ni Erap: Alam na ang aking nasirang ama, Dr. Emilio Ejercito, ay naglingkod bilang Sanitary Engineer sa Manila City Hall nang mahigit na 40 taon. He served 4 Manila mayors. Isa siya sa pinakaunang sanitary engineer sa bansa. At alam mo rin na ako’y ipinanganak sa Mary Johnston Hospital sa Tondo. May pusod ako sa Maynila. Mahal ko ang lungsod. Ngunit ang lungsod ngayon ay napapariwara. Nasa lubluban ng kalabaw.

Kamakailan nag-establish na ng residence si Erap sa Altura, Sta. Mesa. Kumislap ang kanyang mata sa paggunita. Kauna-unahan kong kita sa pelikula, in-invest ko riyan sa lupa. Pagkaraan ng dalawang taon, nagpatayo ako ng 8-door apartment.

Anong kahulugan ng paglilingkod? Malalim na nag-isip si Erap. Dalawang lagok ng kape kasabay ng hitit ng sigarilyo.  Wika niya: Full-cycle na ang personal at political na buhay ko. Mahigit nang 4 na dekada akong naglilingkod sa bayan… sa mahihirap. Ngunit habang may naiiwan pang lakas sa akin, ‘di ko maiwanan ang panata ko sa mahihirap. Ang siyudad ng Maynila ay bodega ng katiwalian at kapabayaan… kahirapan. Sayang. Ang maluningning ng kasaysayan nito, tuluyan nang nasadsad sa pusali. Magtulungan tayong buhayin ang makaysasayang siyudad.

Naputol ang aming pag-uusap ng isang cellphone call. Nag-excuse siya, tumayo at nakipag-usap. Senyas na para ako’y magpaalam. Kita ninyo, kilatis ko siya. Si Mayor Erap.

SAMUT-SAMOT

 

NAUNSYAMI ANG labor sector dahil sa pagbawi ni P-Noy ng hiling na P125 legislated increase. Katuwiran ng pangulo, Pinoy workers ay isa sa pinakamalaking tumatanggap ng sahod sa Asya. Bukod dito, baka raw sumabog ang ekonomiya dahil P17 trillion ang isusuka kada taon ng employers. Sa kabilang dako, lugmok na sa taas ng bilihin ang mga manggagawa. Dapat may compromise plan si P-Noy.

SA KILATIS ko, malayo ang patutunguhan ni Manila Vice-Mayor Isko Moreno sa pulitika. Minsan ko lang siyang nakausap sa bahay ni Erap noong nakaraang buwan para mag-plano sa Maynila. Success story pala siya. Sidewalk vendor, newsboy, taga-igib ng tubig ang ilan sa kanyang naging odd jobs para mabuhay. Biro mo nga naman ang kapalaran. Kaya very compassionate at sensitive siya sa mga dukha.

SI MON Tulfo, Inquirer columnist, ay matagal ko nang kaibigan. Way back in the 80s, panahon ng Cory-Doy administration. Dati siyang reporter sa Times Journal. Nagsulat ng sandali sa Bulletin pagkatapos lumipat as columnist sa Inquirer. Nu’ng panahon ni former President Erap, lalo kaming nagkalapit dala marahil ng aming common advocacy: pagkalinga sa mahirap at naaapi. Ang insidenteng nangyari sa airport ay ‘di maaaring masisi si Mon.

INSTINCT SA mamamahayag ang mga sensitibo na developing news events kagaya diumano ng pag-alipusta ni Claudine Barretto sa isang ground crew ng Cebu Pacific. Bukod dito, natural kay Mon ang agad sumaklolo sa mga nangangailangan at naaapi. Si Mon – bakit iba-iba ang perceptions sa kanya? – ay totoo. Sa kanya, what you see is what you get. He’s a pillar of the journalism profession. Subalit mithiin ko na pagkatapos magpalamig ng ulo, magkakasundo na sila. Nobody’s fault, ika nga. Kahit sa tingin ng marami, ang may kasalanan ay ang palpak na airline!

NAGGIGIRIAN NAMAN ngayon sa korte ay si Amalia Fuentes at Ruffa Gutierrez. Isang libel case ang isinampa ng una sa huli. Ewan natin kung saan hahantong ang kanilang walang katapusang pag-aaway. ‘Di na ba sila nahiya sa sarili at publiko? Tatanda na nila, subalit kulang pa sa pansin.

KAMAKAILAN, SUMASAKIT ang kaliwang balikat ko at medyo ako kinakapos ng hininga. Parang may muscle pain at tuldok ng aspili sa laman. Natural, ninerbyos na naman ako. Kung anu-anong sakit ang agad naisip ko. Heart failure, spondialysis, shoulder paralysis, etc. Ay, naku! Talagang kalaban natin ay isip, pag-iisip na kung anu-ano ang iniisip. Sabi ng doc, no cause for alarm. Simple muscular discomfort dala ng maling baling sa pagtulog. Ang tila aspiling sakit ay neuropathy or nerve problems dala ng advanced age. Rx: deadma mo na lang, take plenty of water at veggie and daily exercise. Amen.

PAGBUKAS KO ng paboritong pahayagan sa umaga, obit page ang hinahanap ko. Nakaugalian ko na ito. Iniisip ko na ang araw-araw kong pagpapaalaala sa aking mortality ang nagpe-preno sa aking makamundong pagnanasa at ambisyon. Paminsan-minsan, nagugulantang ako sa matagal na kaibigang yumao. Halos kasing edad ko sila. Ngunit nilalakasan ko aking loob. Talagang ganyan. Kamatayan, ‘di dapat katakutan. Ito’y dapat paghandaan.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleProblematic Immunity; at Bagman ni Gen. Estipona
Next articleLabag sa Batas ang Pakikiapid

No posts to display