ONGOING PA rin ang QCinema International Film Festival sa Trinoma Mall. Nagbukas ito noong November 5 sa pangunguna nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte.
Kagabi naman, Linggo, November 9, ang awards night nito na ginanap sa Cinema 4 ng Trinoma Mall pa rin.
Nasa ikatlong taon na ang festival na ito. Nagsimula sa puro local films ang ipinapalabas pero ngayon ay may international films na ring kasama.
“Iniwan namin kay Vice Mayor ito para siya ang mamuno. And I hope taon-taon na talaga ito!” sabi ni Mayor Herbert.
“Nagsimula ito no’ng Vice Mayor ako noong 2009. Sinimulan namin ito sa student category dati. E, ngayon, may international contributions na. And we look forward na… iyon nga ‘yong pangarap natin dati na magkaroon ng maraming film and cultural events sa Quezon City e, nagsisimula na. Merong Quezon City Film Development Comission na sila ‘yong namamahala lahat.
“And dahil 75th anniversary ng Quezon City, nagkaroon din children’s filmfest. Tapos merong international contribution ang iba-ibang countries. There are about eight films. Merong France, merong Germany, merong Korea. Tapos ‘yong mga short films na indie na gawa naman ng Pinoy. Tapos merong full length naman na gawa rin ng mga Pinoy that depicts the lives of the people. Especially at this point, on this year… mga buhay ng mga Pilipino sa loob ng Quezon City.
And nagpapasalamat tayo kay Vice Mayor dahil siya ang head ng tourism, culture, at saka arts ng Quezon City. Kaya congratulations to her initiatives. Pero of course, Quezon City government effort ito kaya everybody has their own share of contribution.”
Kumpara sa dalawang naunang film festival ng Quezon City, ngayong taon ay first time na nagkaroon ng awards night.
“Dati ay puro exhibition lang. Ngayon ay may competition na,” natutuwang pahayag naman ni Vice Mayor Joy Belmonte.
“Tapos ngayon, may exhibition na ng international films. Sana next year, competition na rin ng international films, ‘di ba?”
Ano namang update sa balitang ang Quezon City government na ang magtuloy ng Cinemalaya?
“We’re now working closely with people from Cinemalaya,” sabi ni Mayor Herbert. “Because si Tony Boy Cojuangco wrote to us. And thre are preliminary talks. Hopefully by next year it’s with us in Quezon City already.”
If that happens, ano ang magiging kabibahan ng QCinema at Cinemalaya?
“Iiwan ko sa mga technical experts ‘yan. Basta sila na ang bahala.” Dagdag pa ni Mayor Herbert, “Nag-expire na kasi ang amusement tax sa Quezon City, e. So, puwede nating ipataw ‘yan. Pero ‘yong ten percent na ‘yon kapag nasingil ng Quezon City government, saka natin itsa-chop. Na ito, this much will go to the Quezon City Film Development Commision, ito for subsidy ng ganito… etcetera, etcetera. Bahala na. Basta ang importante rito, ‘yong ten percent amusement tax na iyon will go to the benefit of the filmmakers.”
Paanyayang sabi naman ni Vice Mayor Joy, “Remind ko lang sa mga gustong manood, fifty pesos lang para sa mga senior citizens, pwd (persons with disability), solo parents at saka estudyante. Tapos ‘yong children’s classic courtesy of the MTRCB… libre ‘yan. And the ‘yong regular showing is one hundred pesos. Pero may mga showings tayo na libre rin. Just come here sa Trinoma at tanungin nila ang box-office. Kasi gusto namin, lahat ng tao magkaroon ng pagkakataon na makapanood ng mg quality films na ito.”
Hanggang kalian tatagal ang showing ng mga movies na kalahok sa QCinema?
“Hanggang November 11 dito sa Trinoma. Tapos lilipat po kami sa Ayala Fairview Terraces ng tatlong araw. Tapos tatlong araw sa Robinson’s Magnolia Place. Iikot siya. So, ngayon, three malls ang nag-sponsor. Next year, umaasa kami na sana lahat ng malls sa Quezon City ay mag-sponsor para sabay-sabay na ang pagpapalabas natin sa Quezon City film festival natin.
“So palaki nang palaki ang dream po namin dito. At ang pangarap talaga namin, maging sentro ng sining at kultura sa buong Metro Manila. Kaya maliban sa film, meron po tayong mga museo na bubuksan. Makikipag-ugnayan na po tayo sa iba-ibang arts group para ito ang piliin nilang lugar kung saan sila magtatanghal ng kani-kanilang palabas at marami pang iba. Kasi gusto namin na Quezon City will be known as city of artists na hindi lang mga artista, kundi lahat ng uri ng artists. Mga pintor, iskultor… lahat ng mahuhusay at may talent, piliin nila ang Quezon City na lugar kung saan puwede nilang ipakita ang kanilang kagalingan at kahusayan. We support culture and arts dito sa Quezon City.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan