Mayor Lim vs Erap; at Iligalista sa Makati

KILALA SI Mayor Alfredo Lim bilang “Dirty Harry” ng Maynila, at ‘yan parekoy ang dahilan kung bakit sa lahat ng kanyang laban sa nasabing lungsod ay palaging sa kangkungan ang bagsak ng kanyang mga nakakalaban.

Ngunit sadya nga yatang may “katapat” ang lahat ng bagay sa mundong ito.

Dahil, sa ganito pa lang ka-aga ay mistulang kumukupas na ang hawak niyang alas!

Bakit? Aba eh, mantakin mo ba namang si “Asiong Salonga” ng Tondo ang kanyang magiging katunggali!

Tumpak, parekoy, ang dating Pangulo ng ‘Pinas na si Erap ang babangga sa pader na matagal na panahong itinatag ni Lim sa Maynila.

At sa labanang Lim kontra Erap ay tiyak, parekoy, na makararanas ang mga taga-Maynila ng isang dikdikang bakbakan.

Labanan ng siglo, ‘ika nga!

Maliban kasi sa mga panatikong tagasuporta ng dating Pangulo ay mukhang maidadagdag pa ang pu-wersa ng dating alkalde ng Maynila na si Lito Atienza.

At d’yan na, parekoy, malilintikan itong si Lim.

Aba eh, kung kay dating mayor Lito Atienza pa lamang noong nakaraang halalan ay mistulang hilong-talilong na itong si “Dirty Harry”, lalo na kaya ngayong nagsanib-pwersa pa sina Lim at Atienza?

Pero sa tingin ko ay mukhang natanaw na ni Mayor Lim noon pang mga nakaraang buwan na talagang mangyayari ang ganitong sitwasyon ng pulitika sa Maynila.

Kaya nga, ilang buwan na ang nakararaan ay nagsimula na naman ang paboritong laro sa Maynila… ang “tumbang preso”!

Hindi nga ba’t naging sunud-sunod ang mga preso sa Maynila na matapos umanong mang-agaw ng baril ng pulis ay singbilis ng kidlat na namamatay ang mga ito?

Gaya ng paulit-ulit kong binabanggit, parekoy, kung totoo man o hindi na si Lim ang may kagagawan nito, pero isang bagay lang ang tiyak.

Ang imahen ni Mayor Lim ay tiyak na nakikinabang sa ganitong laro.

Dahil doon sa mga hindi pa talaga decided kung kanino sila magli-lider sa darating na halalan ay isa lang ang tiyak.

Bago man sila magdesisyong kumalaban kay Mayor Lim ay mag-isip-isip muna sila ng sampung beses.

‘Yan ay kung desidido na ba talaga silang ilaylay ang kabila nilang paa sa hukay! Hehehe!

At d’yan natin makikita, parekoy, ang agimat ni “Asiong Salongga” kung totoong may biyas pa, lalo’t ang kalaban ay hindi pampelikula ang tigas!

Kaya nga, ngayon pa lang ay “weyt en si” na ang mga taga Maynila sa bakbakang ito…

Abangan!!!

NAMAMAYAGPAG SA lungsod ng Makati ang pangalan ni Toto Lacson pagdating sa usapang sugal.

Operasyon ng Bookies at Lotteng, parekoy, ang kanyang pinaghaharian kaya naman mabilis ang pagputok ng kanyang pangalan dito sa prime city of the Philippines.

Ang masakit, hindi kayang galawin ng kapulisan ang operasyon ni Toto Lacson, dahil sa pangamba na baka sila pa ang uminit kay Mayor Junjun Binay.

Madalas raw kasing ipangalandakan nitong si Lacson ang sobrang lakas niya sa mga Binay!

Ganu’n? ‘Di nga?! Ows? Talaga?

Sige nga mayor Binay, isang sampol nga rito kay Toto Lacson!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articlePauleen Luna, mailap pa rin sa isyu nila ni Vic Sotto!
Next articleIn This Corner

No posts to display