MAY 3, 2015 sa Pinas at May 2 naman sa Estados Unidos nang naganap ang pinakainabangang Battle of the Century, ang paghaharap ng dalawang boxing legends at binabansagang dalawa sa best boxing fighters sa panahon ngayon na sina Floyd Mayweather, Jr. at Manny Pacquiao. Hindi lang libu-libong mga tao, kundi milyun-milyon ang tumutok sa kanilang telebisyon sa pagsasagupa ng dalawa sa ring.
At matapos ang limang taong pagkakasa sa Fight of the Century, nangyari nga ito. Umabot ng 12 rounds ang laban, at hindi na lingid sa ating kaalaman na natalo ang ating Pambansang Kamao sa laban. Nagwagi si Floyd Mayweather at napanindigan niya ang pagiging undefeated 48-0.
Maraming nalungkot at nadismaya sa pag-anunsyo ng nasabing resulta. Pagkasabi na pagkasabi na si Mayweather nga ang nagwagi, puro “Manny” pa rin ang isinigaw ng madla na nanood sa MGM Grand Arena. At malakas na pag-“boo” ang natamo ni Mayweather. Kapwa Amerikano ni Floyd ay nag-boo sa kanya at talagang pabor sa kampo ni Pacquiao.
Kaya naman matapos ang laban, kabilaan agad ang memes patungkol sa sinasabing Fight of the Century.
Kapansin-pansin ang madalas na pagyakap ni Mayweather kay Manny Pacquiao sa tuwing pinauulanan siya ng suntok nito. Kaya naman, may meme na nagsasabing may bago na raw endorsement si Mayweather at ito ang Huggies. Nariyan din ang pagkabit ng larawan ni Barney sa katawan ni Mayweather. May meme rin na may mga linyang “I want a boyfriend who is like Mayweather, a boyfriend who hugs me whenever we fight.” Kabilaan din ang memes na may temang bromance dahil sa panay yakapan nga sa kasagsagan ng laban.
Tawang-tawa rin ang lahat sa sinasabing fun run na naganap noong boxing. Dahil kapansin-pansin ang panay takbo ni Mayweather palayo kay Pacquiao. Kaya umarangkada rin ang fun run memes ni Mayweather. May memes din na nagsasabing undefeated sa larangan ng marathon si Mayweather at hindi sa boxing. Kumalat din sa social media ang music video na may mga larawan noong kuha ng laban lalo na ang pagtakbo at pagtago ni Mayweather sa sulok ng ring habang pinatutugtog ang lyrics na “Sometimes I run, sometimes I hide.”
Ang mga Pinoy talaga, nagagawa pa ring pagaanin ang sitwasyon kahit buong mundo ang dismayado sa resulta ng laban. Ito rin ang paraan ng Pinoy para palakasin ang loob at suportahan si Pacquiao. Na kahit bigo man siyang nakuha ang titulo, siya pa rin ang People’s Champ ng Pilipinas.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo