AMINADO si McCoy de Leon na hindi naging madali ang desisyon niya na umalis sa Star Magic at lumipat sa pamamahala ng Viva Artists Agency (VAA). Ayon sa binata, kahit bago na ang management team niya ay hindi raw ito nangangahulugan na aalis na rin siya totally sa ABS-CBN.
“Nung lumipat naman ako sa Viva it doesn’t mean naman po na aalis na ako ng ABS-CBN. Sinabi ko rin sa kanila yon at sila na rin ang nagsabi sa akin na may work pa din naman,” lahad ni McCoy.
Kasalukuyang ginagawa ng binata ang teleseryeng Walang Hanggang Paalam sa ABS-CBN mula sa unit ng Dreamscape Entertainment.
Aniya, “Home ko na ang ABS-CBN, eh. Hindi na yon mababago. Kaya naging komportable ako sa Viva kasi naiintindihan nila yung gusto kong mangyari – na hindi ako aalis ng ABS-CBN. Alam naman natin na ang pangit ng ganung desisyon, di ba?”
“Palalawakin ko lang siguro yung puwede kong pasukan na work, pero ABS-CBN will always be my home talaga, habang buhay na yon.”
As much as possible ay ayaw ikuwento ni McCoy kung paano siya nagpaalam sa handler niyang si Gidget dela Cuesta at kay Mr. Johnny Manahan na head ng Star Magic.
“Yon yung pinakamahirap na proseso sa totoo lang. Pero kailangan po kasi, eh,” sabay buntong hininga ni McCoy.
“Before pandemic po wala na akong contract sa Star Magic. Kumbaga, naging freelance na ako. Sabi ko sa kanila, wala naman akong ibang plano sa buhay. Sila pa rin ang mag-schedule.
“Nando’n na nga po ako sa punto na gusto ko na lang mag-aral at umalis na sa showbiz tuluyan. Eh, may nagbigay ng sign sa akin, meron pang lumalapit, meron pang opportunity, so sabi ko, walang masama kung i-grab ko,” sabi pa niya.
“Actually, ang hirap kung paano ko uumpisahan… Kung paano ako nagpaalam sa kanila — sa handler ko, ipinaalam agad siguro sa mga boss kaya yon… Mahirap na sitwasyon. Pero sa mga boss, naintindihan naman nila,” dagdag ng binata.
Eh, ano nga ba ang mami-miss niya sa Star Magic?
Sagot ni McCoy, “Unang-una, mami-miss ko yung family do’n siyempre. Iba na yung na-build na family do’n, eh. Sabi lang nila, ‘Sige, mag-grow ka lang, fligh high.’ Sabi ko, hindi naman ako aalis nang tuluyan, iba lang yung magma-manage.
“Mami-miss ko din yung mga events do’n, yung mga sports events na ginagawa ng Star Magic and then yung ABS-CBN Ball.”