Dear Atty. Acosta,
HALOS PITONG taon na ang nakararaan nang mamatay ang aking asawa. Nagkamali ang doktor ng pribadong ospital sa pagbigay ng gamot sa kanya na naging sanhi upang siya ay magkaroon ng tinatawag na Steven Johnson’s Syndrome. Ito rin po ang nakalagay sa katibayan ng kanyang pagkamatay. Maaari ko po bang kasuhan ang doktor at ang ospital kahit na pitong taon na ang nakalipas?
Aries
Dear Aries,
ANG PANANAGUTAN ng isang manggagamot para sa kapabayaan nito o sa maling nagawa sa pasyente ay nahahati sa tatlo: administratibo, sibil at kriminal.
Ang reklamong administratibo ay maaaring isampa laban sa manggagamot ng iyong asawa sa Professional Regulation Commission (PRC) kung siya ay nakagawa ng Medical Malpractice. Ang Medical Malpractice ay ang kapabayaan ng manggagamot at ang hindi paggawa ng tama ng kanyang tungkulin sa kanyang pasyente na naging sanhi upang magtamo ito ng sakit o mamatay. Ang batayan para sa iyong reklamo ay ang Section 24 ng Medical Act of 1959. Ayon sa nasabing batas, “Any of the following shall be sufficient ground for reprimanding a physician, for suspension or revoking a certificate of registration as physician: x x x (5) Gross negligence, ignorance or incompetence in the practice of his or her profession resulting in an injury or death of a patient.” Base rito, kailangan mong mapatunayan na ang kapabayaan ng doktor o ang kanyang kakulangan sa kaalaman at abilidad na manggamot ang siyang naging pangunahing dahilan ng pagkasawi ng iyong asawa. Ang reklamo ay didinggin ng Board of Medicine, at kung maging pabor sa iyo ang hatol sa pagdinig ay maaaring pagbalaan ang doktor ng iyong asawa, masuspindi o ‘di kaya ay mapawalang-bisa ang kanyang rehistro bilang isang manggagamot.
Ukol naman sa pananagutang sibil, ayon sa Artikulo 2176 ng Civil Code of the Philippines: “Whoever by act or omission causes damage to another, there being fault or negligence, is obliged to pay for the damage done. Such fault or negligence, if there is no pre-existing contractual relation between the parties, is called quasi-delict and is governed by the provisions of this Chapter.” Kung iyong mapatunayan na nagpabaya ang doktor ng iyong asawa ay maaari siyang papanagutin ng danyos. Pati ang ospital na pinapasukan ng nasabing doktor ay maaaring papanagutin dahil ayon sa Artikulo 2180 ng New Civil Code of the Philippines “The obligation imposed by Article 2176 is demandable not only for one’s own acts or omissions, but also for those of persons for whom one is responsible. x x x Employers shall be liable for the damages caused by their employees and household helpers acting within the scope of their assigned tasks, even though the former are not engaged in any business or industry. x x x The responsibility treated of in this article shall cease when the persons herein mentioned proved that they observed all the diligence of a good father of a family to prevent damage.” Ito ang tinatawag na Doctrine of vicarious liability na kung saan ang ospital ay may pananagutan para sa kamalian o kapabayaan ng nasasakupan nitong manggagamot kung ang kamalian o kapabayaan ay nagawa habang ginagampanan ng manggagamot ang kanyang tungkulin. Ngunit walang magiging pananagutan ang ospital kung ito ay nagmasid ng maigi gaya ng isang mabuting ama ng tahanan upang maiwasan ang anumang pinsala. Higit pa rito ay kailangang bigyan ng pansin ang preskripsyon ng batas sa pagsasampa ng kasong sibil. Sa sitwasyon ng iyong asawa, ikinalulungkot naming ipaalam na hindi na maaaring papanagutin ang doktor at ang ospital sa pagkamatay ng iyong asawa sapagkat pitong taon na ang nakalipas. Ito ay lagpas na sa takdang panahon ng pagsasampa ng reklamo. Dapat ay naisampa ang reklamo sa loob ng apat na taon mula sa araw na naganap ang pagkakamali ng doktor dahil ayon sa Artikulo 1146 ng Civil Code of the Philippines “The following actions must be instituted within four years: x x x (2) Upon a quasi-delict.”
Ukol naman sa pananagutang kriminal, maaaring papanagutin ang manggagamot ng iyong asawa kung iyong mapapatunayan na ang naging sanhi ng kanyang pagkasawi ay ang kapabayaan ng kanyang manggagamot. Batay sa Article 365 ng Revised Penal Code. “Any person who by reckless imprudence, shall commit any act which, had it been intentional would constitute a grave felony, shall suffer the penalty of arresto mayor in its maximum period to prision correccional in its medium period; x x x” Ngunit kailangan din bigyan ng tuon ang preskripsyon ng ating batas para sa krimen na ito. Ayon sa Article 90 ng Revised Penal Code, “Those punishable by correctional penalty shall prescribe in ten years; with the exception of those punishable by arresto mayor, which shall prescribe within five years.”
Atorni First
By Atty. Persida Acosta