HINDI MAN big winner sa Starstruck Batch 2 si Megan Young, win na win naman ito sa katatapos na Miss World Philippines 2013 na ginanap sa Solaire Resorts last Sunday night at siyang pambato ng bansa sa gaganaping Miss World sa Indonesia.
Biru-biruan nga ng mga kapatid sa panulat na galing sa GMA-7 si Megan na napunta ng ABS-CBN, kung saan kuminang kahit papaano ang kanyang pangalan, at tumawid ng TV5 kung saan naman kasama siya ngayon sa Primetime soap ng Kapatid Network na Misibis Bay, pero bumalik siya sa GMA-7 via Miss World at nagwagi.
Kaya naman daw kung sa Starstruck ay finalist lang siya, dito sa Miss World ay waging-wagi siya. Kaya naman daw tiyak na malaki ang magiging pagbabago sa career ni Megan lalo na’t beauty queen na siya na matagal na rin namang pinapangarap nito.
Sana nga, magpatuloy ang suwerte ni Megan at magwagi rin siya sa laban nito sa Indonesia at mauwi ang korona bilang kauna-unahang Pinay na nanalo ng Miss World. Tanging Miss World na lang yata ang beauty pageant na hindi nanalo ang Pinay at hanggang 1st runner-up lang ang naaabot ng ating mga nagiging kandidata.
DUMAGUNDONG SA lakas ng hiyawan at palakpakan nang bumulaga sa entablado ng MOA Arena ang sikat na sikat na Hollywood Actor at nakilala bilang Jacob sa hit movie na Twilight Saga at pinakabagong Bench Global Endorser na si Taylor Lautner.
Laking gulat nga ni Taylor dahil sa sobrang kasikatan ng character na kanyang ginampanan sa Twilight Saga, dahil mula sa airport hanggang pagpunta niya sa iba’t ibang activities na inihanda sa kanya ng Bench ay Jacob ang itinatawag sa kanya ng kanyang avid fans.
Wish nga nito, makabalik sa ‘Pinas ‘pag may free time para bisitahin ang magagandang beaches at islands sa bansa. Sobra-sobra nga ang pasasalamat nito sa pagmamahal na ipinakita ng kanyang mga tagahanga sa bansa .
Thankful din ito sa CEO/President ng Bench na si Sir Bench Chan dahil binigyan siya ng pagkakataon na makapunta ng Pilipinas at makasama kahit sandali lang ang kanyang mga masugid na tagahanga rito.
At kahit nga hindi nasilayan ng kanyang mga tagahanga ang kanyang magandang katawan dahil hindi nito nagawang mag-topless o ipasilip man lamang ang kanyang abs ay solve naman ang mga ito dahil nakita raw nila nang personal ang guwapong aktor.
ANG PAMBATO ng Nueva Ecija ang tinanghal na kampeon at ika-apat na Ultimate Talentadong Pinoy Worldwide: The Battle Royale na si Spyro Marco. Kung saan tinalo nito ang 6 pang Talentadong Pinoy finalist na sina Laserman, Sor, Larvae, Rina Forbes, Nocturnal Dance Company, at Haina. Ginanap ang grand finals ng TV5 talent search show last August 18 sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Ang galing sa Chinese Yo-yo na ikinamangha ng mga taong nasa loob ng Astrodome sampu ng mga huradong kinabibilangan nina Derek Ramsay, Edu Manzano, Joey de Leon, Direk Joey Reyes, Judy Ann Santos, at Sharon Cuneta na nag-standing ovation pa sa ipinamalas ni Spyro Marco.
Kung saan 50 percent mula sa talent scouts at 50 percent naman ay galing sa text votes, na siya ring nasungkit ni Marco nang makuha niya ang Texter’s Choice award, na may premyong P20,000.
Ang premyong iniuwi ni Spyro Marco bilang Ultimate Talentado ay P1 million at isang 3 bedroom house and lot sa Tagaytay na mula sa RCD Royal Homes. Isang malakas na palakpakan at hiyawan naman ang sumalubong sa dance production number ni Ryan Agoncillo kasama ang kanyang anak na si Yohan at ang Maneuvers.
John’s Point
by John Fontanilla