NOONG LINGGO, naiyak si Megan Young matapos siyang mag-promote ng Marimar sa Sunday Pinasaya. Hindi kasi niya inaasahan na susorpresahin siya ni Marian Rivera na nagbigay pa sa kanya ng bouquet of flowers.
“Lahat ng kaba nawala no’ng i-surprise ako ni Ate Yan,” sabi ng First Pinay Miss World nang makausap namin.
“Kasi sobrang na-touch kami ni Tom. Naiyak nga ako. Because hindi ko po talaga in-expect. It was a very pleasant surprise. Parang… I was planning to write a letter or a note (for Marian). Tapos biglang sila ang nag-surprise sa akin. So, thank you!” muling nangiting sambit ni Megan.
Si Marian ang nagbida sa unang Pinoy remake ng Mexican telenovela na originally ay tinapukan ni Thalia. ‘Yong pag-surprise at pag-abot ng bouquet of flowers ng Primetime Queen kay Megan ay tila gesture na rin ng approval at pag-i-endorse nito sa kanya bilang bagong Marimar.
“I guess so. Well, siyempre siya ‘yong first Pinay Marimar and you know, a lot of people drew inspiration from her and look up to. So, I hope that I’m able to be at par with the second remake. And kahit na magkaiba ‘yong story, nasa puso kasi ng tao si Marimar. So, sana subaybayan din ng viewers ang pinakabagong remake.”
Nagkaroon ba sila ng chance ni Marian to have a chit chat sa guesting niyang iyon sa Sunday Pinasaya?
“Yeah! Parang nagka-small talk kami. After ng pagbibigay niya ng flowers sa akin, Ate Yan, congratulated me. Tapos meron siyang tips na ibinigay. Pero siyempre parang for me… ‘yong mga tips na ibinigay niya, parang I’d like to keep that for myself. Kasi I really treasure everything that she said to me. Like… kahit sobrang saglit lang ‘yon, parang sa sobrang saglit lang ng pag-uusap namin, there was so much meaning in what she said to me. And if I treasure that, if I keep that to myself. Parang feeling ko… ‘eto na ‘yon! Parang ‘eto na.
“Actually ngayon, hindi ko talaga ma-express ang sarili ko. I can’t put it into words. Kasi sobrang… I don’t know. Natutuwa ako na naiiyak na… gusto kong tumawa. Hindi ko alam. Hindi ko alam. Mixed emotions siya. Uhm… sobrang na-starstruck ako no’ng nakita ko siya. Kasi ilang taon na rin no’ng last time na nakita ko siya. Tapos sa isang event lang… oh my gosh, hindi ko alam ang gagawin ko!” sabay tawa ni Megan. “I just didn’t know what to do no’ng lumabas siya.”
Natutuwa raw si Megan na bago pa man ang pag-ere ng pinagbibidahan niyang primetime series sa GMA ay may mga taong Marimar na ang tawag sa kanya.
“Tapos kapag naglalakad ako sa mga mall, ‘yong ibang tao naman tumitili ng… awww!” pagtukoy niya sa pamosong tili sa theme song ng Marimar.
“Actually nawawala na ‘yong… Miss World!” tawa ulit niya. “Kung hindi Marimar ang tawag sa akin ng mga tao, sumisigaw sila ng… awww!”
Masaya raw si Megan na maganda ang feedback sa pagsisimula ng airing ng Marimar. Sabi pa nga niya… “Actually nakatutuwa ‘yong ginawa nina Direk Dom (Dominic Zapata) dito sa remake. It goes with the time, I will say. Because it’s 2015 now. From 1994 (na umere ang original Marimar) to 2007 (na ginawan naman ito ng Pinoy remake na tinampukan nga ni Marian)… times are changing. And everything in the script, mas makare-relate especially the younger ones. Na baka hindi sila maka-relate sa dati, at least ngayon mas ginawang updated.
“At sana sa mga naging fans ng mga past Marimar, sana makita talaga nila na iba talaga ‘yong kuwento namin, e. So, iyon ang gusto naming ipamahagi. Na… kahit iba-iba ang kuwento, pare-pareho lang ang pag-iibigan nina Marimar at Sergio.”
And with that… awww!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan