BLIND ITEM: Isang award-winning film director ang nakatikim ng sobrang pagtataray mula sa isang beteranong playwright.
Isang araw ‘yon nang tumawag si Direk kay Writer para ikomisyong gumawa ng script para sa pelikulang isasali niya sa isang taunang festival. Mula mainstream ay susubukan ni Direk ng de-kalidad ding indie film.
“Hay, naku, sa iba ka na lang magpagawa!” panonopla agad ni Scriptwriter kay Direk na aligagang tumawag sa kanya kamakailan. “An’dami-daming beses ko nang gumawa ng script para sa iyo, yet you didn’t even give me the credit for my work. Malaman-laman ko,nagamit mo na pala ‘yung mga ideya ko, ni ha, ni ho ba ng, ‘Oy, bakla, nagamit ko na ‘yung mga ideas mo,’ eh, may narinig ako sa ‘yo?” ratsada ni Writer.
Hindi sumuko si Direk, baka mahimas niya si Writer, “Kapatid naman…,” na agad sinagot ni Writer, “Hay, naku, huwag mo ‘kong makapatid-kapatid! Ganyan ka naman palagi, eh, magaling ka lang ‘pag meron kang kailangan!” sabay binagsakan niya ng receiver si Direk.
Da who si Direk? Isyogo na lang natin siya sa neymsung na Ramoncito Carino.
ISA KAMI sa apat (although there are regulars) na “bottomliners” invited to Boy Abunda’s The Bottomline (which airs late night tuwing Sabado) where he had Melanie Marquez as guest (na mapapanood sa darating na Sabado).
Kuya Boy’s friendship with Ineng (Melanie’s pet name) is as old as time, even longer than Melanie’s senior gay friendly ties noong hindi pa siya isang ganap na beauty queen. Dahil sa tagal ng kanilang pagkakaibigan, we assumed that Kuya Boy knew Melanie well enough.
Pero habang gumigiling na ang mga kamera para sa sit-down interview kay Melanie, Kuya Boy’s sheer surprise was written all over his face what with Melanie’s never-before-told revelations.
Isa lang ang kuwentong pagbubuntis niya noon sa kanyang panganay na anak na si Manuelito, her son by Lito Lapid. Nagkataong maganda ang takbo noon ng career ni Ineng, after winning the Binibining Pilipinas International title in 1979 ay nasungkit naman niya ang Miss International held in Japan. Modeling doors began to swing open for Melanie.
But her friends resented her pregnancy. May ilan sa kanila ang nag-uudyok kay Melanie na ipalaglag ang kanyang nasa sinapupunan dahil malaki raw ang mawawala sa tinatamasang tagumpay niya noon. But Melanie went ahead with her infanticipation.
Pero hindi nagtagal, dinapuan daw si Manuelito ng nakamamatay na bronchitis, this was the time when the child was already pronounced clinically dead at the hospital. Binilinan umano niya ang doktor na huwag gagalawin ang kanyang anak, tatakbo lang daw muna siya sa Baclaran Church para ihingi ng milagro ang paggaling ni Manuelito.
Pag-amin ni Ineng kay Kuya Boy, kung hindi raw papalaring mabuhay si Manuelito, papatayin niya si Lito na noo’y nasa ospital din, tapos ay kikitlin din niya ang kanyang sariling buhay. But if God willed that Manuelito would live, handa raw patawarin ni Melanie ang lahat ng mga taong nang-api sa kanya.
From Baclaran Church, Melanie went back to the hospital. Isang umiiyak na nars ang humahangos bilang pagsalubong sa kanya, sabay sabing, “Melanie, your son is a miracle boy!” Nakaligtas si Manuelito sa bingit ng kamatayan.
Isa lang ito sa maraming rebelasyon — both serious and hilarious — ni Melanie sa The Bottomline episode this Saturday, so don’t you dare miss it.
ABANGAN NGAYONG Miyerkules sa Face to Face ang kuwentong All-Around Baby-Sitter, Lover Na Ni Mister Feel Pang Maging True Mother! Himutok ni Irene, pagkatapos daw niyang kunin ang pinsang si Jennalyn bilang yaya ng kanyang anak ay nakuha nitong ahasin ang asawang si Jimwell. Ang masaklap pa, nawala ang bata kay Irene nang limang taon, at ayaw nang ibigay ng mismong asawa’t kinakasama nito.
Tunghayan naman bukas, Huwebes, ang Tatay Nagtanim Ng Punla Sa Iba’t Ibang Nanay, Nagbilang Ng Panganay Sa Iba’t Ibang Barangay! Sa episode na ito nagkita-kita ang mga babaeng naanakan ni Mang Jun: ang orihinal na si Kristine, si Rachelle at si Marianne. Pangarap daw ni Mang Jun na ikalat ang kanyang lahi kaya sa bawa’t babaeng nauugnay sa kanya ay pinupunlaan niya ito ng kanyang mabagsik na binhi.
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III