TULOY PA RIN pala ang romansang Jake Cuenca and Melissa Ricks. Sa Star Magic Fashion show last Sunday na ginaganap sa ABS-CBN, kapansin-pansin daw ang kilos at galaw ng dalawa, ayon sa nagbalita sa amin.
Nand’yang magbulungan, magbiruan sa harap ng kapwa nila artista sina Jake at Melissa na hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng mga nakapaligid sa kanila. Wala silang kaalam-alam na pinagmamasdan ang bawat kilos at galaw nila.
Hanggang sa dressing room nga raw sinundan pa ni Jake itong si Melissa, parang may gustong ipahiwatig sa dalaga. Hindi nga lang daw makaporma ang binatang actor dahil may mga tao sa kanilang paligid. Kahit hindi gaano nakapag-usap ang dalawa, mapapansin ang malagkit nilang tinginan na para bang nag-uusap ang kanilang mga mata.
Kung anuman ang namamagitan ngayon kina Jake at Melissa, halata mo raw na pilit nila itong itinatago ang tunay nilang relasyon sa publiko. Mas makabubuti siguro para sa kanila ang ilihim na lang, baka nga naman maudlot pa ang nagsisimula nilang love affair.
HATAW NGAYON SA ratings ang local version ng Koreanovelang Lovers in Paris nina Piolo Pascual, Zanjoe Marudo at KC Concepcion. Kahit kami ay naaadik sa panonood nito araw-araw, maganda naman kasi ang bawat episode, kapana-panabik!
Maging ang fashion icon na si Oskar Peralta ay nagmamadaling makauwi para lang mapanood ang nasabing Tagalized Koreanovela na sinusubaybayan niya from Monday to Friday.
“Oh yes, lahat kami nakatutok na sa TV kapag Lovers in Paris na ang palabas. Naaaliw akong pinanonood si KC, magaling siya as an actress, nakuha niya ‘yung character ni Vivian. May chemistry sila ni Piolo, may kilig factor ang dalawa kaya nakatutuwang panoorin sila. Maging si Zanjoe bilang Martin, bagay sa kanya ‘yung role,” say ng magaling na fashion designer.
“Na-surprise talaga ako kay KC, hindi ko akalain marunong pala siyang umarte. First time ko siyang napanood, first time siyang lumabas sa isang soap, ibang klase talaga itong anak ni Mega. Nanggaling sa magandang pamilya, hindi nakaranas ng kahirapan, nag-aral sa abroad pero ang role niya ay very challenging.
Mahirap yatang gawin ‘yung character niya on screen bilang katulong na nangangarap ng magandang buhay pero nagampanan niya nang tama. Natural siyang umarte maging sa mga nakakatawang eksena, naaliw kaming talaga at marunong umiyak, ‘di ba?” dagdag pa ni Oskar .
Very Pinoy ang dating ng teleseryeng ito, nakaka-relate kasi ang masang Pilipino. Mabilis ang pacing, maraming nangyayari sa bawat eksena kaya patok ito sa manonood. Mahusay ang pagkakadirek ni FM Reyes, binigyan niya ng naiibang Pinoy flavor ang bawat character ng nagsisiganap. Nakuha ni Direk ang kiliti ng masa kaya click na click ito ngayon sa publiko.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield