INAMIN sa amin ni Melissa Ricks sa isang interbyu na si Julia Montes ang totoong dahilan kung bakit bumalik siya sa pag-arte sa Sunday evening series ng ABS-CBN na 24/7.
Ani Melissa, “Super love ko si Julia, that’s the only reason why pumayag po ako na tanggapin yon. Kasi actually, hindi na dapat ako babalik.”
Ano ba ang dahilan kung bakit ayaw na niyang bumalik sa showbiz?
“Wala lang,” kaswal niyang sagot sa amin. “Gusto ko lang yung parang regular life. Naa-appreciate ko yung… siyempre napagdaanan na natin yung showbiz di ba, so yung parang normal life na-appreciate ko.
“Kasi since 14 years old ako nasa taping na ako, di ba, so parang naisip ko na i-enjoy ko lang siya (simple life). And nung nalaman ko na si Julia nga ang bida, natuwa ako, pumayag ako.
“Kasi usually, kunyari MMK or mga guestings hindi po talaga ako pumapayag, kahit yung mga morning show or kung anuman,” tuluy-tuloy na paliwanag ni Melissa.
Inamin din ng aktres at former SCQ alumnus na nagkaroon siya ng anxiety dahil sa tagal na hindi siya umaarte sa harap ng kamera.
“Kasi para na akong may anxiety. Para na akong ninenerbyos masyado. May na-develop akong parang ganun,” lahad niya.
Hindi niya raw alam kung saan at kung paano ito nagsimula.
“Hindi ko alam, eh. Para talaga akong magpa-panic attack, yung naiiyak ako sa kaba pag maraming tao, pag may kamera. Kahit ngayon sa taping bawat eksena natatakot pa rin ako. Yung nakakalimutan ko yung lines ko, naba-blanko,” lahad ulit niya.
Pero nalalabanan naman daw niya ang anxiety kapag umaatake ito sa kanya.
“Laban ka lang. Wag kang magpa-consume sa kaba mo, sa takot mo. Tsaka yung mga friends ko naman nando’n kaya suwerte nga. Nung sinabi kasi sa akin itong project na ‘to – dapat hindi.
“Pero nung sinabi sa akin na si Julia daw ang bida, sabi ko, ‘ Oo, susuporta din ako kay Julia siyempre.’ At saka nando’n yung friends ko – sina Matt Evans, Joross (Gamboa), Joem (Bascon) – as in sobrang okey yung cast. And then yung director namin is Direk Manny Palo which is also director ko ng five soaps ko dati so parang kampante na rin ako. Pero siyempre iba na yung kamera, iba na yung mga ilaw, yung mga tao, hindi na po ako sanay,” huling pahayag ni Melissa sa amin.